Coding scheme, suspendido sa Nov. 10 dahil sa Bagyong Uwan — MMDA
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-09 13:06:55
NOBYEMBRE 9, 2025 — Suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila sa Lunes, Nobyembre 10, kasabay ng pagtaas ng babala sa Bagyong Uwan na ngayo’y isa nang super typhoon.
Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanselasyon ng expanded coding scheme sa buong rehiyon bilang pag-iwas sa posibleng aberya sa kalsada dulot ng masamang panahon.
Ayon sa MMDA, “Paalala ng MMDA: Planuhin ang biyahe, mag-ingat sa pagmamaneho, at tiyaking updated sa mga weather reports.”
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 ang Metro Manila habang inaasahang tatama si Uwan sa gitnang bahagi ng Aurora sa gabi ng Linggo o madaling araw ng Lunes.
Dahil dito, naglabas ng abiso ang Malacañang na suspendido ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa 12 rehiyon sa Nobyembre 10 at 11. Kabilang dito ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Negros Island Region, at Regions I hanggang VIII. Kanselado rin ang trabaho sa gobyerno sa NCR, CAR, at Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, at VIII.
Nag-anunsyo rin ang ilang mall sa Metro Manila ng libreng overnight parking at pansamantalang silungan para sa mga apektadong motorista at residente ngayong weekend.
Patuloy ang panawagan ng mga ahensya ng gobyerno sa publiko na maging alerto, huwag balewalain ang babala ng panahon, at iwasan ang hindi kinakailangang biyahe habang nananalasa si Uwan.
Sa kasalukuyan, apat na lugar sa Luzon ang nasa ilalim ng Signal No. 5, indikasyon ng matinding lakas ng bagyo. Inaasahang magdadala ito ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at posibleng landslide sa mga bulubunduking lugar.
Ang MMDA at iba pang ahensya ay naka-monitor sa sitwasyon at handang magpatupad ng karagdagang hakbang kung kinakailangan.
(Larawan: MMDA | Facebook)
