Diskurso PH
Translate the website into your language:

Daan-daang flights kinansela, mga paliparan isinara sa gitna ng bagyong ‘Uwan’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-09 15:24:55 Daan-daang flights kinansela, mga paliparan isinara sa gitna ng bagyong ‘Uwan’

NOBYEMBRE 9, 2025 — Mahigit tatlong daang biyahe ang hindi matutuloy sa iba’t ibang panig ng bansa mula Nobyembre 8 hanggang 10 dahil sa matinding pag-ulan at hangin na dala ng Super Typhoon Uwan, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Pinakamaraming kanseladong flight ang naitala nitong Nobyembre 9, na umabot sa 219 ang hindi natuloy — 179 domestic at 40 international. Sa Nobyembre 10 naman, may 141 kanselasyon, kabilang ang 123 lokal at 18 pandaigdigan.

Sa kabuuang 389 apektadong biyahe, 386 ang kinansela habang tatlo ang inilipat sa ibang paliparan. Nanguna sa listahan ng mga airline na may pinakamaraming kanselasyon ang Philippines AirAsia na may 126 flights, sinundan ng Cebu Pacific (77), CebGo (60), at Philippine Airlines (56). Apektado rin ang AirSwift, AirAsia Berhad, Sunlight Air, China Southern, United Airlines, at Scoot.

Bunsod ng masamang panahon, pansamantalang isinara ang lahat ng Area V airports sa Bicol Region. Kabilang dito ang Bicol International Airport sa Daraga, Albay; Naga, Virac, Masbate, Daet, Bulan, at Bacon airports. Isinailalim ang mga ito sa Notice to Airmen (NOTAM) mula 4:00 a.m. hanggang 8:00 p.m. noong Linggo, na posibleng palawigin depende sa lagay ng panahon.

Bukod sa Bicol, pansamantalang isinara rin ang mga sumusunod na paliparan:

  • Cauayan Airport: 11:35 a.m. hanggang 4:00 p.m., Linggo
  • Baguio Airport: 12:24 p.m. hanggang 3:30 p.m., Nobyembre 10
  • Sangley Airport: 9:18 a.m. hanggang 6:00 p.m., Nobyembre 10

Nagbigay ng pagkain at pansamantalang matutuluyan ang mga airline sa mga pasaherong na-stranded. Pinayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang airline para sa rebooking at travel assistance.

(Larawan: Philippine News Agency)