Diskurso PH
Translate the website into your language:

Senate bill, isinusulong ang 30% salary increase para sa mga manggagawang pumapasok tuwing may bagyo, kalamidad

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-09 15:22:25 Senate bill, isinusulong ang 30% salary increase para sa mga manggagawang pumapasok tuwing may bagyo, kalamidad

NOBYEMBRE 9, 2025 — Isinusulong sa Senado ang isang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na bayad sa mga empleyado ng pribadong sektor na kinakailangang magtrabaho sa gitna ng matitinding kalamidad. Sa ilalim ng Senate Bill No. 520, layong ipatupad ang 30% umento sa arawang sahod ng mga manggagawang tumutugon sa tungkulin sa panahon ng deklaradong emergency.

Ayon kay Senador Loren Legarda, hindi dapat malimutan ang sakripisyo ng mga manggagawang patuloy na naglilingkod sa kabila ng panganib. 

“Their operations are not merely business endeavors but vital public functions that uphold the nation's stability,” aniya. 

(Hindi lamang negosyo ang kanilang operasyon kundi mahalagang tungkulin para sa katatagan ng bansa.)

Kabilang sa mga sektor na patuloy na gumagana tuwing kalamidad ay ang transportasyon, supply ng pagkain, serbisyong pangkalusugan, media, at utilities. Sa kabila ng peligro, nananatili silang aktibo upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Hindi rin biro ang mga hamon na kinakaharap ng mga manggagawa sa ganitong sitwasyon — mula sa hirap sa pagbiyahe, kakulangan sa pagkain, hanggang sa mas mataas na gastos dulot ng inflation. 

“When combined with the additional expenses incurred due to lack of necessary provisions, earlier departure times, travel adaptations, heightened safety risks, and inflationary pressures during calamities, this rate provides a fair and reasonable compensation framework for employees reporting to work under extreme conditions,” paliwanag ni Legarda. 

(Kapag isinama ang dagdag na gastos sa pagkain, maagang alis, hirap sa biyahe, panganib sa kaligtasan, at epekto ng inflation, makatarungan ang dagdag na bayad para sa mga pumapasok sa gitna ng kalamidad.)

Hindi rin ito dapat ituring na hazard pay o kapalit ng iba pang benepisyong itinatakda ng batas. 

“Instead, it serves as a reimbursement for the additional expenses and hardships employees incur, ensuring they are not financially disadvantaged for their indispensable service,” giit ng senador. 

(Sa halip, ito ay kabayaran sa dagdag na hirap at gastos ng mga manggagawa upang hindi sila malugmok sa gastusin habang naglilingkod.)

Sa tala ng World Risk Index noong 2024, pangatlong sunod na taon nang nanguna ang Pilipinas bilang bansang pinaka-bantad sa sakuna sa buong mundo. Tinukoy ng ulat na 74% ng populasyon at 60% ng kalupaan ng bansa ay lantad sa mga panganib gaya ng bagyo, lindol, baha, at landslide.

Dagdag pa ni Legarda, “Climate change has intensified the frequency and severity of extreme weather events, further exacerbating the vulnerabilities of the Philippines and increasing the risks faced by workers and businesses alike.” 

(Pinalala ng climate change ang dalas at tindi ng matitinding kalamidad, dahilan ng mas matinding panganib sa mga manggagawa at negosyo.)

Sa ilalim ng panukala, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang magtatakda ng mga alituntunin sa tamang pagkalkula ng calamity pay, batay sa uri ng trabaho, antas ng panganib, at tindi ng kalamidad. Ang mga employer na hindi susunod ay maaaring patawan ng multa o iba pang parusa.

Bagama’t hindi hinihikayat ng panukala ang paglalagay sa peligro ng mga manggagawa, tiniyak ni Legarda na ang layunin nito ay bigyang-katarungan ang kanilang serbisyo. 

“It is imperative to emphasize that this legislation does not encourage employees to place themselves in harm's way. The safety and well-being of the workforce remain paramount,” aniya. 

(Mahalagang idiin na hindi hinihikayat ng batas na ito ang paglalagay sa panganib ng mga manggagawa. Ang kanilang kaligtasan ang pinakamahalaga.)

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)