Walang pasok! 12 rehiyon, apektado ng super typhoon ‘Uwan’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-09 13:30:25
NOBYEMBRE 9, 2025 — Nagpatupad ng malawakang suspensyon ng klase at trabaho ang pamahalaan sa harap ng banta ng super typhoon ‘Uwan’ na lumakas nitong Linggo ng umaga, ayon sa 8 a.m. bulletin ng PAGASA.
Sa bisa ng Memorandum Circular No. 106 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kanselado ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Lunes, Nobyembre 10, sa mga sumusunod na rehiyon:
- National Capital Region
- Cordillera Administrative Region
- Region I
- Region II
- Region III
- Region IV-A
- Region IV-B
- Region V
- Region VIII
Samantala, suspendido ang klase sa lahat ng antas mula Nobyembre 10 (Lunes) hanggang Nobyembre 11 (Martes) sa mga sumusunod na lugar:
- National Capital Region
- Cordillera Administrative Region
- Region I
- Region II
- Region III
- Region IV-A
- Region IV-B
- Region V
- Region VIII
- Region VI
- Region VII
- Negros Island Region
Hindi saklaw ng suspensyon ang mga ahensiyang may tungkulin sa disaster response, kalusugan, at iba pang pangunahing serbisyo.
Ayon sa memorandum, “To further ensure continuity of essential government functions, all other government agencies in the aforementioned Regions may implement alternate work arrangements, as may be necessary, subject to applicable laws, rules and regulations.”
(Upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan, maaaring magpatupad ng alternatibong work arrangements ang iba pang ahensya sa mga nabanggit na rehiyon, alinsunod sa batas.)
Bukod pa rito, binigyang kapangyarihan ang mga lokal na opisyal na magdeklara ng suspensyon sa kani-kanilang nasasakupan, depende sa sitwasyon. Ang desisyon sa mga pribadong opisina ay nakasalalay sa pamunuan ng bawat kumpanya.
Nagbabala ang mga awtoridad sa posibleng matinding epekto ng bagyong ‘Uwan’, kaya’t pinayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.
(Larawan: Philippine News Agency | Facebook)
