DPWH magsasampa ng kaso vs. Hi-Tone sa pagguho ng Navotas seawall
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-10 22:07:20
NAVOTAS CITY — Inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon na magsasampa ng reklamo ang ahensya laban sa Hi-Tone Construction and Development Corporation kaugnay ng pagguho ng bahagi ng coastal dike project sa Navotas City, na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang komunidad.
Ayon kay Dizon, ang Hi-Tone Construction ay konektado sa pamilya ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co. “We will file the necessary charges against Hi-Tone. This is unacceptable. Public funds were used and the people deserve accountability,” ani Dizon sa isang press briefing noong Lunes.
Ang nasabing seawall ay bahagi ng multi-billion peso flood control infrastructure na layong protektahan ang mga baybaying barangay ng Navotas laban sa storm surge at pagbaha. Ngunit ilang linggo pa lamang matapos itong iturn-over ay bumigay na ang ilang bahagi ng estruktura, kasabay ng malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Uwan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng DPWH, may mga indikasyon ng substandard materials at poor workmanship sa proyekto. “We are looking into possible violations of the Government Procurement Reform Act and the Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” dagdag ni Dizon.
Samantala, sinabi ng Hi-Tone Construction sa isang maikling pahayag na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon at magsasagawa rin sila ng internal audit. “We take this matter seriously and will cooperate fully with the DPWH,” ayon sa kanilang statement.
Ang insidente ay nagdulot ng panibagong panawagan para sa mas mahigpit na monitoring ng mga infrastructure projects, lalo na’t lumalabas sa mga ulat na kabilang ang Hi-Tone sa mga contractor na tumanggap ng malaking bahagi ng ₱545.65-bilyong flood control budget mula 2022 hanggang 2025.
