Mga piraso ng ginto, lumitaw sa Bantayan matapos ang bagyong Uwan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-10 23:22:49
BANTAYAN — Umaga ng Nobyembre 10, 2025, ikinagulat ng mga residente ng Barangay Bantigue, Bantayan ang pagkakadiskubre ng mga piraso ng ginto sa baybayin ng Parola matapos ang malalakas na alon na dala ng Bagyong Uwan. Tinatayang umabot sa halos 10 gramo ang kabuuang bigat ng nakuhang mga gintong piraso.
Ayon sa mga residente, hindi nila inasahan ang naturang tuklas at marami sa kanila ang naniniwalang maaaring ito ay mga sinaunang relikya na inanod mula sa ilalim ng dagat dahil sa lakas ng bagyo.
Kilalang may mayamang kasaysayan ang Bantayan Island, na pinaniniwalaang tirahan ng mga sinaunang nanirahan sa lugar ilang siglo na ang nakalipas. Dahil dito, mas lalo pang umigting ang paniniwala ng ilan na maaaring may nakalibing na kayamanan sa paligid ng isla.
Sa kasalukuyan, pinag-uusapan ng mga lokal ang posibilidad na ang bagyo ang nagbunyag ng matagal nang nakatagong yaman — o baka naman isa lamang itong likas na hiwaga ng kalikasan. (Larawan: Chu Bryan / Facebook)
