SC, itinangging may pahayag si CJ Gesmundo tungkol sa ICC warrant ni Bato
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-10 11:58:21
NOBYEMBRE 10, 2025 — Nagbabala ang Korte Suprema nitong Linggo laban sa kumakalat na maling impormasyon sa social media kaugnay ng umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Mariing itinanggi ng Supreme Court ang mga post na nagsasabing may pahayag si Chief Justice Alexander Gesmundo tungkol sa isyu. Ayon sa mga viral post, sinabi umano ni Gesmundo na kailangang dumaan muna sa mga korte sa Pilipinas bago ma-turnover si Dela Rosa sa ICC.
“Please be advised that these posts are false,” ayon kay Gesmundo.
(Mangyaring tandaan na ang mga post na ito ay hindi totoo.)
Nilinaw ng SC na walang anumang pahayag na inilabas ang Punong Mahistrado ukol sa sinasabing warrant.
“The Chief Justice has not issued any statement on this matter,” giit ng korte.
(Walang inilabas na pahayag ang Punong Mahistrado kaugnay ng usaping ito.)
Nag-ugat ang mga haka-haka matapos banggitin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may arrest warrant na inilabas ang ICC laban kay Dela Rosa. Gayunman, ilang opisyal ng gobyerno ang nagsabing wala pang natatanggap na abiso mula sa Interpol.
Nanawagan ang kampo ni Dela Rosa ng maingat na pagtanggap sa mga ulat.
Ayon sa kanyang abogado na si Israelito Torreon, “We do not have independent confirmation as to whether or not this information is accurate.”
(Wala kaming sariling kumpirmasyon kung tama o hindi ang impormasyong ito.)
Dagdag pa niya, “We therefore urge the public and the media to exercise caution and restraint in sharing or interpreting such reports until verified information is officially released by competent authorities or by the ICC itself.”
(Kaya’t hinihikayat namin ang publiko at media na maging maingat sa pagbabahagi o pagbibigay-kahulugan sa mga ulat hangga’t walang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga kinauukulan o sa ICC mismo.)
Matatandaang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang naging commander ni Dela Rosa sa PNP, ay inaresto ng ICC noong Marso kaugnay ng kasong crimes against humanity.
(Larawan: Supreme Court of the Philippines)
