Diskurso PH
Translate the website into your language:

22 Senador, sumusuporta sa ‘Classroom-Building Acceleration Program’ (CAP) Act

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-11 23:28:05 22 Senador, sumusuporta sa ‘Classroom-Building Acceleration Program’ (CAP) Act

MANILA — Ipinahayag ni Senador Bam Aquino ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa kanyang mga kapwa senador matapos makakuha ng buong suporta para sa Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act o Senate Bill No. 1482, na layuning tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Ayon sa senador, 22 miyembro ng Senado ang lumagda sa Committee Report bilang mga co-sponsor at co-author ng panukala, patunay umano ng malawak na suporta sa programa.

Sa sesyon ng Senado, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na dahil sa dami ng sumusuporta, “we might as well pass it today,” bagaman kailangan pa rin umanong sundin ang mga itinatakdang proseso bago ito tuluyang maaprubahan.

Mas pinagtibay pa ang panukala nang kumpirmahin ni Sotto na kabilang ito sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at suportado rin ng Malacañang.

Layunin ng CAP Act na tugunan ang mahigit 165,000-classroom backlog sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at non-government organizations (NGOs) na may track record sa konstruksyon ng mga silid-aralan, alinsunod sa pamantayan ng Department of Education (DepEd).

Kung maisasabatas, inaasahang mapapabilis nito ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan at mapapalakas ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa. (Larawan: Bam Aquino / Facebook)