Diskurso PH
Translate the website into your language:

Binaha na nga, sinisi pa! Rep. Cojuangco, umani ng galit sa sinabing ‘suck it up and learn’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-11 09:42:59 Binaha na nga, sinisi pa! Rep. Cojuangco, umani ng galit sa sinabing ‘suck it up and learn’

NOBYEMBRE 11, 2025 — Nag-viral si Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco matapos maglabas ng kontrobersyal na pahayag kaugnay sa mga nasalanta ng bagyong Tino, na nagdulot ng matinding pagbaha sa Visayas at Northern Mindanao.

Sa isang post sa X, sinita ni Cojuangco ang mga residenteng nawalan ng tirahan matapos ang pananalasa ng bagyo. 

“Bakit kasi sa flood plain gumawa ng tirahan? Takaw sakuna,” aniya.

Umani ito ng matinding batikos mula sa netizens na nagsabing walang malasakit ang kongresista sa mga mahihirap na napilitang manirahan sa mapanganib na lugar.

“Hindi naman ho kasi lahat afford tumira sa elevated areas and subdivisions. They had no choice!” tugon ng isang netizen.

Ngunit hindi umatras si Cojuangco. 

Sa isa pang post, iginiit niyang, “Laging may choice. You should be angry right now. Engineering and sound reasoning gave way to ‘compassion and kindness’ years ago. Kaya nga nangyari ito. Suck it up and learn, or repeat it all over again later. Choice is ours.” 

(Laging may choice. Dapat galit na kayo ngayon. Napalitan ng ‘compassion and kindness’ ang engineering at tamang pag-iisip noon pa. Kaya ito nangyari. Tanggapin at matuto, o mauulitin lang ulit sa susunod. Nasa atin ang choice.)

Marami ang hindi sang-ayon sa pananaw ng mambabatas. 

Ayon sa isang netizen, “Choice is a luxury for most people ... Hindi laging may choice. This may sound foreign to you because you have choices all your life pero hindi lahat kagaya mo.” 

(Ang pagpili ay luho para sa karamihan ... Hindi laging may choice. Baka hindi mo ito maintindihan dahil laging may mga pagpipilian ka sa buong buhay mo, pero hindi lahat kagaya mo.)

Sa kabila ng mga puna, ipinagdiinan ni Cojuangco na hindi dapat tinatayuan ng bahay ang mga lugar na kilalang delikado. 

“It’s a hazardous place,” aniya. “I am calling it like it is, so that in the future it can be avoided. Unless you want to elevate the entire area by four meters at least — so do it if it makes economic sense.” 

(Mapanganib ang lugar. Sinasabi ko lang ang totoo, para maiwasan ito sa hinaharap. Maliban na lang kung gusto ninyong itaas ang buong lugar ng apat na metro — gawin kung may saysay sa ekonomiya.)

Nang sagutin siya ng isang meme na may linyang “Stop being poor (Itigil na ang pagiging mahirap),” sinagot ito ni Cojuangco ng: “Yes! This is a very noble goal. It is Deng who said, ‘To be rich is glorious.’ Look at China now! Right attitude, right thinking, right action. Avoid hazardous areas, or suffer disasters.” 

(Oo! Napakagandang layunin ito. Si Deng ang nagsabi, ‘To be rich is glorious.’ Tingnan mo ang China ngayon! Tamang ugali, tamang pag-iisip, tamang kilos. Iwasan ang mapanganib na lugar, o magdusa sa sakuna.)

Bagama’t may iilan namang sumang-ayon sa punto ni Cojuangco tungkol sa urban planning, mas marami ang nagsabing hindi ito ang tamang panahon para sisihin ang mga biktima.

Sa gitna ng trahedya, nananatiling mainit ang diskusyon sa social media kung ang mga pahayag ng kongresista ay prangka lang ba o walang pakiramdam.



(Larawan: Philippine News Agency)