Diskurso PH
Translate the website into your language:

Destabilization list ni Tulfo, hawak na ng AFP intel

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-11 17:56:36 Destabilization list ni Tulfo, hawak na ng AFP intel

NOBYEMBRE 11, 2025 — Isang listahan ng mga umano’y personalidad na sangkot sa planong pagpapabagsak sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naipasa na sa intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa masusing beripikasyon, ayon sa Malacañang.

Ang naturang listahan ay unang inilathala ni kolumnistang si Mon Tulfo sa kanyang social media account, kung saan binanggit ang pangalan nina Bise Presidente Sara Duterte, Davao Rep. Paolo Duterte, at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson bilang umano’y nagpopondo sa destabilization plot.

Sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na hindi basta-basta binabalewala ng AFP ang mga ganitong ulat kahit pa nagmula sa social media.

“Ayon sa AFP, sa ganitong klase ng mga sinasabi, although ito ay nasa social media, ito ay binibigay nila sa kanilang intelligence community,” ani Castro. 

Dagdag pa niya, mino-monitor ng militar ang usapin at kinakailangang imbestigahan ang lawak ng mga alegasyon.

“Ayon sa AFP, ito ay mino-monitor … Kailangan po kasi talaga maimbestigahan ito,” wika ni Castro. 

Gayunman, wala pang malinaw na pahayag kung may nilabag na batas ang mga taong pinangalanan sa listahan.

Samantala, mariing itinanggi ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang pagkakasangkot sa naturang usapin.

“Such rumors are false, misleading, and harmful to the trust and unity our nation needs today,” pahayag ni Magalong. 

(Ang mga tsismis na ito ay mali, mapanlinlang, at nakakasira sa tiwala at pagkakaisa na kailangan ng bansa ngayon.)

Binigyang-diin pa niya ang kanyang paninindigan:

“I have served this country all my life as a soldier, a police officer, and now as a public servant. My loyalty is to the Republic of the Philippines and to the Filipino people, not to any political faction or personality.” 

(Naglingkod ako sa bansa bilang sundalo, pulis, at ngayon bilang lingkod-bayan. Ang aking katapatan ay sa Republika ng Pilipinas at sa sambayanang Pilipino, hindi sa anumang paksyon o personalidad.)

Mula pa noong Setyembre, kumakalat ang mga usapan hinggil sa posibleng destabilization laban sa pamahalaan, kasabay ng malalaking kilos-protesta kaugnay ng mga proyektong pinupuna dahil sa umano’y katiwalian. Sa kabila nito, iginiit ni Marcos Jr. na nananatiling matatag ang kanyang administrasyon.



(Larawan: Presidential Communications Office)