Diskurso PH
Translate the website into your language:

DILG kakasuhan ang 20 opisyal na bumiyahe kahit travel ban sa gitna ng Uwan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-11 08:08:19 DILG kakasuhan ang 20 opisyal na bumiyahe kahit travel ban sa gitna ng Uwan

MANILA — Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kanilang pinag-aaralan ang posibilidad ng pagsasampa ng criminal at administrative cases laban sa hindi bababa sa 20 lokal na opisyal na lumabas ng bansa sa kabila ng ipinatupad na travel ban mula Nobyembre 9 hanggang 15, kasabay ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-wong).

Ayon kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, “There were about 40 local government officials who were part of a delegation going to South Korea. I was able to stop some of them.”

 Dagdag pa niya, tinipon niya ang kanyang mga undersecretary sa larangan ng local government, legal, at legislative affairs upang pag-aralan ang mga implikasyon ng paglabag sa kautusan.

“Many local government officials are not here right now although they were strictly prohibited from leaving,” ani Remulla sa panayam ng ANC’s Headstart.

Hindi pa pinangalanan ng DILG ang mga opisyal na umalis ng bansa, ngunit tiniyak ng ahensya na sisiyasatin ang kanilang mga paliwanag. 

Ayon kay Undersecretary Claire Castro, “Titingnan po muna natin kung paano sila magpapaliwanag at despite that memorandum, sila po ay umalis ng bansa.”

Samantala, kinumpirma rin ng Malacañang na suportado nito ang imbestigasyon ng DILG. Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo, mahalagang managot ang mga opisyal na lumabag sa utos, lalo na’t inaasahan ang kanilang presensya sa panahon ng kalamidad upang pangunahan ang disaster response sa kani-kanilang nasasakupan.

Ang travel ban ay bahagi ng direktiba ng DILG upang matiyak na ang mga lokal na opisyal ay nasa kanilang mga lugar upang pamunuan ang paghahanda at pagtugon sa epekto ng bagyo. Sa kabila nito, ilang opisyal ang nagtungo pa rin sa ibang bansa bilang bahagi umano ng isang opisyal na delegasyon.

Patuloy ang isinasagawang beripikasyon at inaasahang maglalabas ng opisyal na listahan ang DILG sa mga susunod na araw.