Duke Frasco at 7 mayor sa Cebu, kinasuhan dahil sa Europa trip habang may bagyo
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-11 23:43:40
CEBU CITY — Isang abogado mula sa Cebu ang naghain ng administrative at criminal complaints laban kay Rep. Duke Frasco at pitong alkalde sa Cebu kaugnay ng kanilang biyahe sa Europa sa kasagsagan ng pananalasa ni Bagyong Tino. Ang reklamo ay inihain ni Atty. Julito Añora Jr. sa Office of the Ombudsman-Visayas nitong Martes, Nobyembre 11.
Kabilang sa mga batas na umano’y nilabag ng mga opisyal ang:
Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act
Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees
Republic Act 7160 o Local Government Code
Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010
Kasama sa mga sinasakdal sina Mayor Aljew Fernando Frasco (Liloan), Avis Ginoo-Monleon (Catmon), Alfredo Arquillano Jr. (San Francisco), Greman Solante (Tudela), Edgar Rama (Poro), Manuel Santiago (Pilar), at Felijur Quiño (Compostela).
Ayon kay Añora, tungkulin ng mga lingkod-bayan na pangunahan at protektahan ang kanilang mga nasasakupan lalo na sa panahon ng kalamidad. Aniya, ang pag-alis ng mga opisyal sa gitna ng trahedya ay malinaw na pagpapabaya sa tungkuling pampubliko. (Larawan: Contributed Photo, The World Tonight / Facebook)
