Diskurso PH
Translate the website into your language:

Fried chicken vendor, nasakote sa pagkakalat umano ng mga sensitibong larawan ng ex-GF

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-12 12:46:58 Fried chicken vendor, nasakote sa pagkakalat umano ng mga sensitibong larawan ng ex-GF

NOBYEMBRE 11, 2025 — Arestado sa entrapment operation ang isang 23-anyos na tindero ng fried chicken matapos akusahan ng dating kasintahan na nagpakalat umano siya ng kanilang pribadong larawan at video sa social media.

Naganap ang operasyon sa Barangay Cupang, Antipolo City noong Nobyembre 5, batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Tacloban City.

Ayon kay PLTCOL Geronimo Dimayuga, hepe ng Quezon City Police District–Fairview Police Station, nagsimula ang ugnayan ng suspek at 25-anyos na biktima noong Disyembre 2023 sa isang online game.

“Through that gaming, nagkapalagayan sila and nagkaroon sila ng relationship. Through this nagkaroon sila ng mga video calls na meron silang mga hindi magandang ginagawa na nare-record nung accused,” pahayag ng opisyal. 

Matapos ang kanilang paghihiwalay, nagsimula umanong magbanta ang suspek na ikakalat ang sensitibong materyal. Noong 2024, gumamit pa siya ng ibang pangalan sa social media upang maipadala ang mga larawan at video sa mga kaanak at kakilala ng biktima. Dahil dito, nagsampa ng kaso ang babae noong Pebrero.

“Hindi pa siya dun nakontento, bina-black mail niya pa yung victim na may mangyayari na hindi maganda dun sa family [niya],” dagdag ni Dimayuga. 

Mariin namang itinanggi ng akusado ang paratang at iginiit na sinisiraan lamang siya ng kapatid ng biktima. 

“Sa tingin ko po dun sa kapatid niya na galit sakin … Kasi ayaw nila sakin … Malayo po kasi sila,” giit ng suspek. 

Nagbigay naman paalala si Dimayuga sa publiko hinggil sa panganib ng pakikipagkilala online. 

“Yung pagkakaroon ng kaibigan through online is medyo challenging yan ... so dapat mag ingat tayong magbigay ng mga information, mga ginagawa natin hindi natin lahat pinapakita diyan for our safety,” aniya. 

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.



(Larawan: Freepik)