Diskurso PH
Translate the website into your language:

ICC: lahat ng arrest warrant filings, 'secret' na; kaso ni Bato, posibleng apektado

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-11 16:23:30 ICC: lahat ng arrest warrant filings, 'secret' na; kaso ni Bato, posibleng apektado

NOBYEMBRE 11, 2025 — Simula Nobyembre 10, ipinatupad ng International Criminal Court (ICC) ang bagong regulasyong nag-uutos na gawing “secret” o “under seal” ang lahat ng aplikasyon para sa arrest warrant at summons to appear. Ayon sa binagong Regulation 23 ter, awtomatikong ituturing na kumpidensyal ang mga dokumentong isinusumite kaugnay ng Article 58 ng Rome Statute, maliban na lamang kung pahihintulutan ng Pre-Trial Chamber na ilabas ito sa publiko.

Tatlong pangunahing kondisyon ang nakasaad sa bagong patakaran:

  • Lahat ng aplikasyon para sa arrest warrant o summons ay kailangang isumite nang pribado at may klasipikasyong “secret” o “under seal”.
  • Mga kaugnay na dokumento tulad ng mga pagbabago sa aplikasyon ay dapat ding isumite sa parehong paraan.
  • Ang nilalaman ng mga dokumento ay mananatiling lihim maliban kung magdesisyon ang Chamber na baguhin ang klasipikasyon.

Bagama’t ipinaalam na ito sa mga state party para sa komento, epektibo na ang regulasyon at mananatili kung walang tutol mula sa mayorya sa loob ng anim na buwan.

Ang bagong patakaran ay inilabas ilang araw matapos sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na may arrest warrant na umano mula sa ICC laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Gayunman, tumanggi ang tagapagsalita ng ICC na si Fadi El Abdallah na kumpirmahin kung may warrant na ngang naibigay.

Ayon kay Kristina Conti, assistant to counsel sa ICC, hindi nangangahulugang walang warrant kung hindi ito kinukumpirma ng korte.

“What this means is that, whether a warrant has indeed been issued or is still to be issued, it is most likely not intended to be made known to the public,” aniya.

(Ang ibig sabihin nito, kung may warrant man o wala pa, malamang ay hindi ito para sa kaalaman ng publiko.)

Ipinaliwanag ni Conti na karaniwang inilalabas lamang ang warrant kapag humarap na sa korte ang akusado. Ganito ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte — ipinalabas ang warrant noong Marso 7 ngunit isinapubliko lamang noong Marso 11, kasabay ng kanyang pag-aresto.

“Usually naman nakalagay explicitly kung for public consumption or secret. Case in point, Netanyahu and Putin warrants pinublic din para daw maging signal sa kanila na tumigil. Kahit hindi pa sila nahuli,” paliwanag niya.

(Karaniwan, malinaw kung pampubliko o lihim ang dokumento. Halimbawa, sina Netanyahu at Putin ay pinabayaan nang malaman ang warrant para magsilbing babala sa kanila, kahit hindi pa sila nahuhuli.)

Bagama’t sinabi ni Remulla na may warrant na laban kay Dela Rosa, nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na abiso mula sa Interpol. Ayon sa DOJ, handa silang sumunod sa anumang request mula sa Interpol, kahit hindi na miyembro ang Pilipinas ng Rome Statute.

Ang posibleng pag-aresto ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng extradition o kusang pagsuko, depende sa magiging utos ng Interpol.



(Larawan: Human Rights Watch)