Diskurso PH
Translate the website into your language:

LED panel sa QC, pinalipad ni ‘Uwan;’ motorsiklo, kotse sapul

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-11 10:17:24 LED panel sa QC, pinalipad ni ‘Uwan;’ motorsiklo, kotse sapul

NOBYEMBRE 11, 2025 — Sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos mabagsakan ng bahagi ng LED billboard na nakakabit sa isang gusali sa Aurora-Katipunan Service Road sa Quezon City, Lunes ng umaga, kasabay ng pananalasa ng bagyong Uwan.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang insidente bandang alas-9 ng umaga sa southbound lane ng Katipunan Service Road, sa gitna ng malalakas na bugso ng hangin at ulan.

Nagtamo ng mga sugat at pananakit ng dibdib at balikat ang drayber ng motorsiklo, habang namaga naman ang mukha ng angkas niya. Kapwa isinugod sa ospital ang dalawa.

Bukod sa motorsiklo, tinamaan din ng bumagsak na panel ang isang sasakyan sa lugar. Nasira ang bumper nito.

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang Katipunan Service Road southbound mula Xavierville Avenue hanggang Aurora Boulevard. Inabisuhan ng MMDA ang mga motorista na dumaan muna sa Katipunan flyover o Xavierville Avenue, habang ang mga patungong Marcos Highway ay pinayuhang mag-U-turn sa Katipunan bago mag-B. Serrano.

Sa pahayag ng Summit Outdoor Media, ang kumpanyang may-ari ng billboard, tiniyak nitong sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga biktima at sa nasirang sasakyan.

“We acknowledge and express our sincerest apologies for the incident involving one of our LED billboards that occurred following the recent typhoon,” ayon sa kumpanya. 

(Aminado kami at taos-pusong humihingi ng paumanhin sa insidenteng kinasangkutan ng isa sa aming LED billboard matapos ang nagdaang bagyo.)

“Our team has already reached out to provide full medical care, assistance, and support as necessary. The company will shoulder all related medical expenses as well as the cost of the vehicle damage,” dagdag pa nito. 

(Nakipag-ugnayan na ang aming team upang magbigay ng kumpletong medikal na tulong at suporta. Sasagutin ng kumpanya ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot at sa nasirang sasakyan.)

Sinuspinde muna ng Summit Outdoor Media ang operasyon ng billboard habang isinasagawa ang imbestigasyon. Sumugod din sa lugar ang kanilang engineering team para sa inspeksyon at dagdag na safety measures.



(Larawan: MMDA | Facebook)