Lola patay matapos balikan ang mga alagang pusa sa kasagsagan ng Super Typhoon Uwan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-11 08:08:18
CATBALOGAN CITY — Isang 64-anyos na ginang ang nasawi matapos bumalik sa kanyang bahay upang iligtas ang mga alagang pusa sa kasagsagan ng Super Typhoon Uwan noong madaling araw ng Nobyembre 9.
Kinilala ang biktima bilang si Fe Paroni Resco, residente ng Purok 6, Barangay 3, ayon sa ulat ng Calbayog Journal at GMA News.
Ayon sa mga kaanak, si Resco ay una nang lumikas kasama ang pamilya ngunit nagdesisyong bumalik sa bahay bandang alas-2 ng madaling araw upang kunin ang kanyang mga alagang pusa at manok na inaalagaan para ibenta. Sa panahong iyon, nagsimula nang bumayo ang malalakas na hangin at ulan sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Catbalogan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), gawa sa magagaan na materyales ang bahay ng biktima at agad itong gumuho nang tamaan ng malalakas na hangin. Nadaganan pa umano ito ng kalapit na bahay na nawasak din sa bagyo.
Sinabi ni Catbalogan Mayor Dexter Uy na sabay na tumama ang bagyo at high tide, dahilan ng matinding pinsala sa lungsod. “The typhoon struck at the same time as the high tide, which caused severe damage in the city,” ani Uy sa ulat ng GMA News.
Isinagawa ang retrieval operation ng CDRRMO, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard. Natagpuan ang bangkay ni Resco bandang alas-4 ng umaga at dinala sa Samar Memorial Chapel para sa post-mortem examination.
Sa kabuuan, higit sa 700 residente ang naapektuhan sa Catbalogan, kabilang ang 20 pamilya na nawalan ng tirahan sa tabing-dagat. Patuloy ang relief operations ng lokal na pamahalaan para sa mga nasalanta ng bagyo.
