Diskurso PH
Translate the website into your language:

LRT-1 Baclaran station, 4 taon na palang walang tubig! ‘ Napamura ako!’ — Lopez

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-11 17:35:45 LRT-1 Baclaran station, 4 taon na palang walang tubig! ‘ Napamura ako!’ — Lopez

NOBYEMBRE 11, 2025 — Nagpahayag ang Department of Transportation (DOTr) na maglalabas ito ng show-cause order laban sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pribadong operator ng LRT-1, matapos mabunyag na apat na taon nang walang supply ng tubig ang palikuran sa Baclaran Station.

Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, natuklasan niya noong Nobyembre 4 sa isinagawang inspeksyon na matagal nang walang tubig ang pasilidad. 

“Napamura ako. 4 years walang tubig!” aniya.

Bukod dito, binanggit din niya ang kawalan ng maayos na access para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), pati na ang maruming paligid at saradong walkway ng istasyon.

Sinabi ni Lopez na hihingi siya ng paliwanag mula sa LRMC hinggil sa kalunos-lunos na kondisyon ng Baclaran Station. 

“I gave LRMC until December to finish everything, to fix the Baclaran Station. Sabi nila uunahin nila itong tubig issue,” aniya.

Samantala, sa isang panayam, nilinaw ni Lopez na ang kanyang paghingi ng paumanhin ay nakatuon sa mga pasahero at hindi sa unyon ng mga empleyado. “Hindi po ako magbibigay ng public apology mam sa union at kung sakali man ako ay hihingi ng tawad, paumanhin o pagpapasensya hihingin ko po ito sa mga libu-libong commuters po ng LRT-1 na ilang taon na rin pong nagdurusa sa ganitong sitwasyon at mga ganitong mga pasilidad po ng LRMC (Light Rail Manila Corp),” wika niya.

Ipinaliwanag ni Lopez na hindi naman kasi niya intensyon na ipahiya ang station manager na kasama niya sa inspeksyon. May mga bumatikos kasi sa paraan niya ng paninita.

“Ang may pangunahing responsibility po dito is the private operato,r yung concession, yung LRMC. Kung maaalala po natin naibigay na po ang operation and maintenance of LRT 1, nasa private operator na po yan,” aniya.

Dagdag pa niya, tungkulin ng DOTr at Light Rail Transit Authority (LRTA) na magsagawa ng inspeksyon at ipaalala sa operator ang kanilang pagkukulang. 

“Ganun pa man kami po na nasa gobyerno, kailangan din namin i-inspect, kailangan naming tignan at ipaalala sa kanila ang kanilang mga pagkukulang at kung may magagawa kami sa gobyerno, tutulungan din po namin sila,” sabi ni Lopez.

Matapos ang inspeksyon, kinilala ng LRMC ang kanilang pagkukulang at nangakong aayusin ang problema. Sinabi ni Lopez na inutusan niya si LRTA Administrator Hernando Cabrera na ipunin ang lahat ng reklamo laban sa LRMC at magsumite ng audit report sa loob ng isang linggo.

Sa ngayon, nakatakdang tapusin ng LRMC ang pagkukumpuni sa Baclaran Station bago matapos ang Disyembre. Inuuna ang pagbabalik ng supply ng tubig sa palikuran.



(Larawan: @dotrphilippines | Instagram)