Malalakas na ulan, hangin asahan habang si Uwan umiikot sa labas ng PAR
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-11 08:08:14
MANILA — Patuloy ang lakas ng Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong) habang ito’y kumikilos sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA. Sa kabila ng lokasyon nito, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa sampung lugar sa hilagang bahagi ng Luzon.
Ayon sa PAGASA Tropical Cyclone Bulletin na inilabas nitong Martes ng umaga, ang sentro ng bagyo ay nasa layong 365 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan, taglay ang maximum sustained winds na 120 km/h at bugso ng hangin na umaabot sa 150 km/h. Kumikilos ito pa-hilaga sa bilis na 15 km/h.
Mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Abra
- Benguet
- Apayao
- Kalinga
- Cagayan (kabilang ang Babuyan Islands)
- Northern Isabela
- Mountain Province
Sa ilalim ng Signal No. 2, inaasahan ang hangin na may bilis na 62–88 km/h sa loob ng 24 oras, na maaaring magdulot ng minor to moderate damage sa mga estruktura at pananim.
Rainfall Outlook: Ayon sa PAGASA, inaasahan ang malalakas na pag-ulan (50–100 mm) sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Benguet, at Abra. Mas mataas pa ang inaasahang ulan sa mga bulubunduking lugar, at maaaring lumala ang epekto ng pagbaha at landslide dahil sa naunang mga pag-ulan.
Bagama’t nasa labas ng PAR, pinapayuhan pa rin ang publiko na maging alerto sa mga posibleng epekto ng bagyo, lalo na sa mga lugar na may babala ng malalakas na hangin at ulan. Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo at maglalabas ng mga update tuwing ika-5 ng umaga at ika-5 ng hapon.
Larawan mula DOST-PAGASA
