Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Ting-Que umiiyak sa FB Live; sinagot ang galit sa ‘animals mapapalitan’ remark

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-11 13:55:02 Mayor Ting-Que umiiyak sa FB Live; sinagot ang galit sa ‘animals mapapalitan’ remark

TUGUEGARAO CITY — Sa panibagong Facebook live noong Nobyembre 11, emosyonal na sinagot ni Mayor Maila Ting-Que ang mga batikos kaugnay ng kanyang naunang pahayag tungkol sa paglikas ng mga alagang hayop sa gitna ng Bagyong Uwan.

“I am so frustrated,” aniya, habang ipinaliwanag na ang kanyang intensyon ay hikayatin ang mga tao na huwag nang mag-atubiling lumikas at isama ang kanilang mga alaga.

“Pag sinabi naming umalis na kayo, isama na ninyo ang mga alaga ninyo. At this point in time, dapat ang pinupuntahan namin, mga tao. Ang naaabutan namin, mga hayop,” dagdag niya.

Nauna nang inulan ng batikos ang alkalde matapos niyang sabihin sa isang Facebook live noong Nobyembre 9 na “’Yung animals, mapapalitan… ang buhay ng tao isa lang, hindi mapapalitan.”

Maraming pet lovers at animal welfare advocates ang nagpahayag ng pagkadismaya, sinasabing hindi dapat minamaliit ang halaga ng buhay ng mga hayop, lalo na’t itinuturing na silang bahagi ng pamilya.

Sa kanyang paliwanag, nilinaw ni Ting-Que na hindi niya intensyong maliitin ang mga alaga, kundi nais lamang niyang bigyang-diin ang panganib na kinakaharap ng rescue teams kapag ang mga residente ay nag-aalangan pang lumikas dahil sa kanilang mga hayop.

Aniya, may mga pagkakataong ang mga rescuer ay napipilitang bumalik sa mga lugar na delikado dahil naiwan ang mga alaga ng mga residente.

“Ang gusto lang po natin ay mauna ang kaligtasan ng tao. Kung maaari, isama na ang mga alaga sa paglikas para hindi na tayo bumalik sa panganib,” dagdag ng alkalde.

Patuloy ang relief and rescue operations sa Tuguegarao City, kung saan daan-daang residente ang naapektuhan ng bagyo. Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng mas malawak na pang-unawa at kooperasyon mula sa publiko upang mas maging epektibo ang pagtugon sa sakuna.

Larawan mula Mayor Maila Ting Que/Facebook