Diskurso PH
Translate the website into your language:

OCD: Uwan kumitil ng 18 buhay; landslide pinakamaraming sanhi ng pagkamatay

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-11 13:55:00 OCD: Uwan kumitil ng 18 buhay; landslide pinakamaraming sanhi ng pagkamatay

MANILA — Kinumpirma ng OCD nitong Martes, Nobyembre 11, na 18 katao na ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-wong), batay sa pinakahuling datos na inilabas sa isang press briefing.

Ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang mga nasawi ay mula sa iba’t ibang rehiyon: tatlo sa Region 2 (Cagayan Valley) dahil sa landslide, labindalawa sa Cordillera Administrative Region (CAR) — karamihan din ay dahil sa landslide, isa sa Region 5 (Bicol Region) dahil sa pagkalunod, isa sa Region 6 (Western Visayas) dahil sa electrocution, at isa sa Region 8 (Eastern Visayas).

Bukod sa mga nasawi, iniulat din ng OCD na dalawang tao ang nawawala at 28 ang nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Patuloy ang validation ng mga datos habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar.

Bagama’t nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo, nananatili ang epekto nito sa mga rehiyong binayo ng malalakas na ulan at hangin. Ayon sa OCD, malaking tulong ang preemptive evacuation ng mahigit 1.4 milyong katao upang maiwasan ang mas mataas na bilang ng casualties.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno, lalo na sa mabilis na paglikas ng mga residente sa mga high-risk areas bago pa man tumama ang bagyo.

Patuloy ang monitoring ng OCD at PAGASA sa mga posibleng epekto ng bagyo, kabilang ang pagbaha, landslide, at storm surge, lalo na sa mga rehiyong may mataas na vulnerability sa ganitong sakuna.

Larawan mula Nueva Ecija Food Life