Police captain nangholdap, binawian ng buhay sa engkuwentro sa Marilao
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-11 17:12:14
MARILAO, BULACAN — Isang pulis ang napatay matapos umanong mangholdap ng isang convenience store sa Barangay Sta. Rosa I at makipagbarilan sa mga kapwa pulis sa isinagawang hot pursuit operation noong gabi ng Nobyembre 10.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 3, ang suspek ay isang Police Captain na nakatalaga sa Caloocan City Police Station at residente ng Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte.
Pumasok umano siya sa convenience store na nakasuot ng pulang jacket at nagpanggap na customer, bago bumunot ng baril, nagdeklara ng holdap, at tinangay ang humigit-kumulang ₱20,000 na kita ng tindahan.
Tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungong Barangay Loma de Gato, dahilan upang magsagawa ng agarang hot pursuit operation ang Marilao Municipal Police Station.
Nasukol siya sa Heritage Subdivision ngunit sa halip na sumuko ay pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga operatiba, dahilan upang tamaan ang suspek. Dinala siya sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Nakuhanan ng CCTV ang buong insidente ng holdap, na naging batayan ng mga pulis sa pagtukoy at paghabol sa suspek. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng pulis sa krimen at kung may iba pa siyang kasabwat.
Nagpahayag ng pagkabahala ang pamunuan ng PNP sa insidente, at muling nanawagan ng mas mahigpit na internal monitoring sa hanay ng kapulisan.
