Tingnan: Search and retrieval operations sa Balamban, patuloy parin
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-11 23:58:51
BALAMBAN, Cebu — Patuloy ang isinasagawang search-and-retrieval operations ng mga tauhan ng Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, at ng Cebu People’s Action Center sa bayan ng Balamban, isa sa mga pinakamatinding naapektuhan ng Bagyong Tino sa bahaging midwestern Cebu.
Batay sa ulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Nobyembre 10, nakapagtala na ang Balamban ng ilang nasawi at dose-dosenang sugatan. Mayroon ding hindi bababa sa 16 katao ang iniulat na nawawala.
Ayon sa mga lokal na responder, malaking hamon ang kinakaharap ng mga operasyon dahil sa lawak ng pinsala — mga ilog na punô ng putik, mga bahay na natabunan, at mga kalsadang gumuho. Kinakailangan ngayon ng mahigpit na koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at mga volunteer upang mapabilis ang paghahanap sa mga biktima at paglilinis ng mga daanan.
Nagpapatuloy ang mga clearing at retrieval operations habang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na magbigay ng impormasyon hinggil sa mga nawawala upang agad silang matulungan. (Larawan: Cebu Province / Facebook)
