Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ulat ng posibleng Senate coup, natanggap ni Sotto

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-11 17:12:17 Ulat ng posibleng Senate coup, natanggap ni Sotto

MANILA — Inamin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakarating sa kanya ang mga ulat ukol sa panibagong tangkang pagpapalit ng liderato sa Senado, kasabay ng pagbabalik ng sesyon ng mataas na kapulungan ngayong linggo.

Sa isang ambush interview nitong Martes, sinabi ni Sotto na may narinig siyang mga bulong-bulungan mula sa kanyang mga kasamahan. “During the weekend? One or two stories lang, meron daw lumalakad, meron daw kumakausap. Ganon lang,” ani Sotto, kaugnay ng umano’y mga pag-uusap tungkol sa coup attempt.

Bagama’t hindi niya tinukoy kung sino ang sangkot, iginiit ni Sotto na karaniwan na ang ganitong mga usapan sa Senado. “We hear it every now and then. It’s a common kwento,” dagdag pa niya. Nilinaw rin niya na wala siyang ideya kung ilan ang posibleng kasangkot sa mga ulat na ito.

Sa kabila ng mga bulong-bulungan, nananatiling kumpiyansa si Sotto sa tiwala ng kanyang mga kapwa senador. “Ako naman, ika nga, I leave it to our peers. The Senate president should always leave it to the wisdom and the trust and confidence of his colleagues,” aniya.

Nagbabalik ang Senado sa regular na sesyon matapos ang isang buwang recess. Naantala ang pagbubukas ng sesyon noong Nobyembre 10 dahil sa banta ng Super Typhoon Uwan, kaya’t itinakda ito sa Nobyembre 11.

Samantala, inaasahang babalik sa Blue Ribbon Committee si Senador Panfilo Lacson, na dati nang naging bahagi ng mga isyu sa liderato ng Senado. Wala pang kumpirmasyon kung may kaugnayan ang kanyang pagbabalik sa mga nababalitang galaw sa loob ng kapulungan.