Bangkay ng babae, natagpuan sa ilog sa Candelaria, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-12 22:34:26
CANDELARIA, Quezon — Isang bangkay ng babae ang natagpuan ng mga residente sa ilog sa pagitan ng Barangay Masin at Poblacion sa bayan ng Candelaria, Quezon nitong Miyerkules, Nobyembre 12.
Ayon sa ulat ng pulisya, napansin ng mga residente ang katawan na palutang-lutang sa ilog. Agad nilang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Candelaria Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang iahon ang katawan mula sa tubig. Sa ngayon, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima dahil wala itong suot na anumang pagkakakilanlan o personal na gamit.
Isinasagawa na ng mga otoridad ang imbestigasyon upang malaman kung may foul play sa likod ng pagkamatay ng babae. Plano ring isailalim ang bangkay sa autopsy para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.
Patuloy naman ang panawagan ng mga pulis sa publiko na makipag-ugnayan kung may kilalang nawawalang babae sa lugar o may impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan ng biktima. (Larawan: Quezon PNP / Facebook)
