Beijing nagpaabot ng ₱141M ayuda para sa mga typhoon victims
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-12 17:14:13
Maynila — Nagpahayag ang pamahalaan ng China ng pakikiisa sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahigit $2.4 milyon (katumbas ng humigit-kumulang ₱141 milyon) na humanitarian aid matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyong Tino at Super Typhoon Uwan sa bansa.
Ayon sa Chinese Foreign Ministry, ang tulong ay binubuo ng $1 milyon na cash assistance at 10 milyong Chinese yuan (tinatayang $1.4 milyon o ₱82.8 milyon) na halaga ng relief goods. Ang donasyong ito ay layong suportahan ang mga komunidad na matinding naapektuhan ng pagbaha at landslide sa mga rehiyon sa gitna at hilagang bahagi ng Pilipinas.
“In the spirit of humanity and friendship with the Philippine people, China has provided assistance in cash and emergency supplies to the Philippines, and some Chinese provinces are also extending a helping hand through channels between sister provinces,” pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian sa Beijing.
Dagdag pa ng Chinese Embassy sa Maynila, ang tulong ay bahagi ng mas malawak na commitment ng China sa humanitarian cooperation sa rehiyon. “We express deep condolences to the victims and sincere sympathies to the bereaved families, the injured, and the affected communities,” ayon sa opisyal na pahayag ng embahada.
Ang donasyong ito ay dumating sa gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay ng territorial dispute sa South China Sea. Gayunpaman, iginiit ng China na ang kanilang tulong ay patunay ng patuloy na pagkakaibigan at malasakit sa mamamayang Pilipino.
Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ng Chinese Embassy sa mga ahensyang tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng tulong sa mga lugar na pinakaapektado ng kalamidad.
