Bonoan, bantay-sarado sa US — DOJ
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-12 17:34:56
NOBYEMBRE 12, 2025 — Patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang bawat galaw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos itong lumipad patungong Estados Unidos nitong Martes. Ayon sa Department of Justice (DOJ), nakapaloob si Bonoan sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na sumasaklaw sa mga indibidwal na iniugnay sa kontrobersyal na flood control projects.
Ipinaliwanag ng DOJ na ang inclusion ni Bonoan sa ILBO ay nangangahulugang may agarang ulat at real-time na pagsubaybay sa lahat ng kanyang biyahe.
“Being under the Immigration Lookout Bulletin board, this means that there is real-time monitoring and reporting of all his movement, so bantay-sarado po ng Kagawaran ng Katarungan at ng gobyerno ang bawat galaw ni Mr. Bonoan,” pahayag ni DOJ spokesman Polo Martinez.
Lumipad si Bonoan patungong Amerika upang samahan ang kanyang asawa na sasailalim sa isang medical procedure. Ngunit kahit nasa ibang bansa, tiniyak ng DOJ na anumang paglipat niya sa loob o labas ng US ay agad na matutunton.
“So kunwari galing pong Estados Unidos, lumipat siya ng ibang bansa, or may movement siya within the United States, necessarily tatatakan po ang passport niya, ang pasaporte niya magkakamarka at dahil po doon may real-time monitoring through the Bureau of Immigration to the DOJ,” dagdag ni Martinez.
Gayunman, nilinaw ng DOJ na hindi maaaring pigilan ang pag-alis ni Bonoan dahil wala itong kinakaharap na kaso sa bansa.
“Given that wala pong pending case, walang pending Hold Departure Order arising from any pending case, hindi po namin mapipigilan ang pag-alis not just po of former secretary Bonoan but any for any individual for that matter,” ani Martinez.
Dagdag pa ng opisyal, nananatiling protektado ang karapatan ni Bonoan sa ilalim ng Konstitusyon.
“There is a Constitutional right to travel which is inherent in everyone here in the Philippines in accordance with the Bill of Rights,” giit ni Martinez.
(Mayroong Constitutional right to travel na likas sa bawat isa dito sa Pilipinas alinsunod sa Bill of Rights.)
(Larawan: Presidential Communications Office)
