Bonoan nakalusot sa airport; DOJ sinabing walang HDO o warrant
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-12 08:39:58
MANILA — Kumpirmado ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) na bumiyaheng patungong Estados Unidos si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel “Manny” Bonoan upang samahan ang kanyang asawa sa isang nakatakdang medical procedure.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, umalis si Bonoan noong Martes ng hapon sakay ng China Airlines flight CI703 via Taiwan. “We confirm that former Secretary Manny Bonoan departed this afternoon for the United States via Taiwan,” ani Sandoval sa isang Viber message sa GMA News Online.
Dagdag pa ng BI, agad na nakipag-ugnayan ang immigration officers sa DOJ upang beripikahin kung may hold departure order (HDO) o warrant of arrest laban kay Bonoan. “The DOJ confirmed that none exists, hence he was cleared to depart,” paliwanag ni Sandoval.
Sa hiwalay na pahayag, kinumpirma ng DOJ na ang biyahe ni Bonoan ay may layuning samahan ang kanyang asawa sa pagpapagamot. “We confirm the earlier departure of former DPWH Secretary Manuel Bonoan for the United States of America to accompany his wife for the latter’s medical procedure. Travel has been reported to be up until December 17, 2025,” ayon sa DOJ statement.
Si Bonoan ay kabilang sa mga dating opisyal ng DPWH na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects. Bagama’t may Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa kanya, nilinaw ng DOJ na hindi ito katumbas ng HDO at hindi hadlang sa kanyang pag-alis ng bansa.
Ang ILBO ay inilabas matapos irekomenda ni DPWH Secretary Vince Dizon ang masusing pagsisiyasat sa mga proyektong pinondohan ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Bonoan. Sa kabila nito, iginiit ng DOJ na “currently there exists no legal prohibition to Bonoan’s constitutional right to travel.”
Wala pang pahayag si Bonoan o ang kanyang pamilya kaugnay ng isyu. Patuloy ang imbestigasyon ng DOJ sa mga alegasyon ng ghost projects at iba pang iregularidad sa DPWH.
