DepEd, naglaan ng ₱78.1-milyon para sa mga paaralang napinsala ng bagyong Uwan at Tino
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-12 23:18:52
MANILA — Hindi nag-aksaya ng oras si Education Secretary Sonny Angara sa pagtugon sa matinding pinsalang idinulot ng magkakasunod na kalamidad sa mga rehiyon ng Bicol at Calabarzon. Agad niyang inilaan ang ₱78.1 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga paaralang lubos na naapektuhan ng bagyong Uwan at Tino, pati na rin sa ibang rehiyong tinamaan ng mga kalamidad.
“Mabigat ang pinagdadaanan ng ating mga guro, magulang, at mag-aaral sa nagdaang mga bagyo. Tinitiyak namin sa DepEd na kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon at muling pagbuo ng pag-asa sa bawat silid-aralan,” ani Secretary Sonny.
Bukod sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga nasirang paaralan, tiniyak ng kalihim na magpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng Alternative Delivery Modes (ADMs) at paggamit ng learning packets at lesson guides sa ilalim ng Dynamic Learning Program (DLP).
Dagdag pa niya, patuloy ang pagtutok ng kagawaran upang masiguro ang mabilis na pagbabalik ng normal na operasyon ng mga paaralan. “Hindi titigil ang DepEd hangga’t hindi ganap na nakakabangon ang bawat guro, estudyante, at komunidad,” pangako ni Secretary Sonny. (Larawan: Sonny Angara / Facebook)
