Imee Marcos: witnesses, babaligtad umano sa Blue Ribbon probe; Romualdez, nagtangkang maging state witness?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-12 19:20:00
NOBYEMBRE 12, 2025 — Nagbabala si Senadora Imee Marcos na posibleng umatras ang ilang testigo sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects sa Biyernes, Nobyembre 14. Ayon sa kanya, may mga pamilya ng testigo na tinakot at pinressure, dahilan upang bawiin ang kanilang naunang testimonya.
“Ang mangyayari ngayon magrerecant ang mga testigo. Panoorin ninyo, sigurado ako diyan. Isa-isa yan na biglang babaligtad dahil prinessure, tinakot ang pamilya at halos tinutukan ang asawa’t anak,” pahayag ni Marcos.
Bagama’t hindi siya nagbigay ng tiyak na pangalan, binanggit ng senadora na “Alam ninyo kung sino ang pinakamatindi ang testimonya.”
Isa sa mga tinutukoy ay si Orly Guteza, ang “surprise witness” na lumutang noong Setyembre. Sa kanyang pahayag, idinawit niya si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa umano’y paghahatid ng pera.
Dagdag ni Marcos, may iba pang handang magsalita ngunit pinipigilang lumantad.
“Di ko alam. Yung mga kaya manakot at yung mga takot na takot na sila ang madadale,” aniya.
Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na inimbitahan ng komite si Romualdez at 17 pang miyembro ng Kamara para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon. Ngunit ayon kay Marcos, posibleng hindi dumalo ang kanyang pinsan.
“Nagbago yata isip, nahiya rin sa sarili,” sabi ni Marcos.
Binanggit pa niya na may usap-usapan na si Romualdez ay itinuturing na “VIP witness” na maaaring gawing state witness.
“Kasi ang dating narinig ko magiging state witness, siya ang magiging star witness, bibigyan ng witness protection. Pwede ba naman yun?” dagdag ng senadora.
Matatandaang mariing itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon ng pagtanggap ng kickbacks mula sa flood control projects, kabilang ang mga paratang nina Guteza at contractor couple Curlee at Sarah Discaya.
Sa harap ng mga bantang pag-atras ng testigo at usapin ng posibleng state witness, nananatiling masalimuot ang imbestigasyon. Ang susunod na pagdinig ay inaasahang magiging kritikal sa pagtukoy kung sino ang mananagot sa umano’y malakihang katiwalian sa flood control projects.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
