Diskurso PH
Translate the website into your language:

Jayboy Magdadaro: Batang bayani na nagligtas sa buhay ng mahigit 50 katao, nakatanggap ng full scholarship

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-12 00:15:19 Jayboy Magdadaro: Batang bayani na nagligtas sa buhay ng mahigit 50 katao, nakatanggap ng full scholarship

LILOAN, Cebu — Ipinahayag ni Mabolo Barangay Captain Atty. Daniel Francis Arguedo na sasagutin ng barangay ang lahat ng gastos sa pag-aaral ni Jayboy Magdadaro, ang 15-anyos na batang bayani na nagligtas ng higit 50 katao mula sa baha sa Villa Lara, Jubay, Liloan, Cebu noong Nobyembre 4 dahil sa Bagyong Tino.

Kasama sa scholarship ang anumang kursong pipiliin ni Jayboy sa kolehiyo pati na rin ang buwanang allowance na ₱3,000, bilang suporta sa kanyang edukasyon at pagkilala sa kanyang kabayanihan.

Noong araw ng bagyo, hindi nag-atubili si Jayboy na sumabak sa matinding baha gamit ang isang maliit na bangka at salbabida upang iligtas ang mga residente — kabilang ang mga bata, buntis, at matatanda. Sa kabila ng panganib, nagawa niyang iligtas ang lahat nang ligtas, na ikinagalak at hinangaan ng buong komunidad.

Lubos din ang paghanga ng publiko at netizens sa kanyang katapangan, at itinuturing na inspirasyon ng kabataan. Ang hakbang ng barangay na suportahan ang edukasyon ni Jayboy ay patunay ng pagpapahalaga sa kabutihang-loob at kabayanihan sa gitna ng trahedya. (Larawan: Atty Daniel Francis Arguedo / Facebook)