Kiko Barzaga sinampahan ng sedisyon, rebellion charges; Marcos, patuloy pa ring binabanatan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-12 20:38:29
NOBYEMBRE 12, 2025 — Muling nagpasiklab ng kontrobersiya si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos ipakita sa publiko ang subpoena laban sa kanya kaugnay ng reklamong Inciting to Sedition at Inciting to Rebellion na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa dokumentong inilabas ng Office of the City Prosecutor (OCP) ng Quezon City, inaatasan si Barzaga na dumalo sa preliminary investigation sa Nobyembre 17 at 25 upang pagdesisyunan kung may sapat na batayan para isampa ang kaso sa korte. Kinumpirma ng Department of Justice spokesperson na si Atty. Polo Martinez ang pagiging lehitimo ng naturang subpoena.
Sa kanyang Facebook post noong Nobyembre 12, tinag ni Barzaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at diretsahang nagtanong: “Bongbong Marcos How many people have your father killed or imprisoned before he was removed from power?”
(Bongbong Marcos, ilan ang pinatay o ipinakulong ng iyong ama bago siya napatalsik sa kapangyarihan?)
Dagdag pa niya: “This will not stop us, this will only make the revolution stronger!”
(Hindi nito kami mapipigilan, lalo lamang nitong palalakasin ang rebolusyon!)
Kinagabihan, muling nag-post ang mambabatas mula Dasmariñas: “I always wanted to be a martyr, to die for a noble cause. I may not be able to witness our country's future where President Marcos is imprisoned, but I'm glad to have contributed towards his downfall!”
(Matagal ko nang nais maging martir, mamatay para sa makatarungang layunin. Maaaring hindi ko masaksihan ang hinaharap ng bansa kung saan nakapiit si Pangulong Marcos, ngunit masaya akong nakapag-ambag sa kanyang pagbagsak!)
Ang mga kasong nakasaad sa subpoena ay paglabag sa Article 142 at Article 138 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Si Barzaga, na minsang sumuporta kay Marcos noong halalan 2022, ay ngayo’y inilalarawan ang sarili bilang matinding kritiko laban sa katiwalian. Kamakailan, nanawagan pa siya ng pagtitipon sa Forbes Park, Makati upang “lusubin” umano ang mga bahay na iniuugnay kay House Speaker Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co.
Samantala, ilang grupong aktibista ang nagbansag sa mga hakbang ni Barzaga bilang “clout chasing” at tinawag itong panggulo lamang sa tunay na isyu ng korapsyon sa mga proyekto ng flood-control.
(Larawan: Congressman Kiko Barzaga | Facebook)
