Landslide sa Bacayan: Isang 69-anyos na babae at kanyang 25-anyos na apo, nailigtas
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-12 23:06:46
CEBU CITY — Isang 69-anyos na babae at ang kanyang 25-anyos na apo ang nailigtas ng mga residente matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa Sitio Center, Barangay Bacayan, Cebu City, kaninang alas-5 ng umaga, Nobyembre 12.
Ayon sa ulat, limang bahay ang bahagyang natabunan ng landslide matapos ang magdamagang pag-ulan. Sa kabutihang-palad, nakalikas na umano ang mga residente ng apat na iba pang bahay bago pa man mangyari ang pagguho.
Ang mag-lola ay agad na nasagip ng mga kapitbahay na rumesponde sa insidente. Parehong nagtamo lamang ng minor injuries at agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng paunang lunas.
Patuloy namang nagsasagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) at Bureau of Fire Protection upang matiyak ang kaligtasan sa lugar.
Ayon sa Bacayan Barangay Disaster Council, pansamantalang inilikas ang ilang residente dahil sa posibilidad ng karagdagang pagguho bunsod ng malambot na lupa at patuloy na pag-ulan.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga nakatira malapit sa bulubunduking bahagi ng barangay na maging alerto at agad lumikas sakaling mapansin ang bitak o paggalaw ng lupa. (Larawan: The Freeman / Facebook)
