Matinding modus sa luxury cars, binulgar ng BOC; Discaya importers, bistado sa x-ray, entry system
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-12 17:15:21
NOBYEMBRE 12, 2025 — Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, binunyag ng Bureau of Customs (BOC) ang masalimuot na paraan ng pandaraya ng mga importer ng luxury cars na konektado sa mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya. Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, hindi lamang dokumento ang minanipula kundi pati mismong x-ray images ng mga sasakyan upang makalusot sa bansa nang halos walang bayad na buwis.
“'Yung x-ray din niyan, ang makitang image was Raptor for that Bugatti, meaning parang pickup 'yun, pero ang laman iba. So it's an elaborate method of cheating the government,” ani Nepomuceno.
Dagdag pa niya, “Tampered 'yun, ma'am. But if talagang na-x-ray 'yan, dapat lalabas 'yung totoo. So tampered 'yung image para 'yun ang magiging basis ng evaluation so you'll pay less.”
Bukod sa x-ray manipulation, natuklasan din ng BOC ang pagbura ng import entries sa IT system at paggamit ng certificate of payment mula sa ibang pantalan upang mahirapang matunton ang transaksyon. Isang halimbawa ang Bugatti na pinaghihinalaang ipinasok sa Batangas Port ngunit ang dokumento ng pagbabayad ay binili mula sa Port of Davao.
“Para mahirap ma-trace kung iimbestigahan,” paliwanag ni Nepomuceno.
Sa kabuuan, 30 luxury vehicles ang naipasok ng mga Discaya, kung saan 17 ay binili mula sa lehitimong dealers ngunit hindi pa rin mailalabas dahil sa imbestigasyon. Tinatayang P100 milyon ang hindi nabayarang buwis mula sa 13 sasakyan.
Nagpahayag si Senador Sherwin Gatchalian na may sindikato sa loob ng BOC. Ayon kay Nepomuceno, mahigit 10 personnel na ang pinadalhan ng show cause orders at iniimbestigahan na. Isang ulat ang naipasa sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Kasabay nito, iginiit ng BOC ang pangangailangan ng digitalization upang masawata ang ganitong modus.
“When we improve our system and really make it digital and get the best possible system, that will allow BOC to really track this. It can be done, they just have to invest in that system,” ani Senador Pia Cayetano.
(Kapag na-digitalize ang sistema, masusubaybayan ng BOC ang lahat. Kailangan lang mag-invest sa tamang teknolohiya.)
Nakatakdang isubasta ng BOC sa Nobyembre 17, 2025 ang pitong luxury cars ng pamilya Discaya, kabilang ang Rolls-Royce Cullinan. Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa smuggling at katiwalian sa loob ng ahensya.
(Larawan: Philippine News Agency)
