Oplan Kontra Baha, target bawasan ng 60% ang pagbaha sa Metro Manila
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-12 18:29:31
NOBYEMBRE 12, 2025 — Sa gitna ng patuloy na problema sa pagbaha, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Oplan Kontra Baha: Greater Metro Manila Waterways Clearing and Cleaning Operations na layong bawasan ang pagbaha sa Kalakhang Maynila at karatig-lugar ng hanggang 60 porsyento.
Ang programa ay sabay-sabay na inilunsad sa iba’t ibang lugar kabilang ang Caingin Creek sa Meycauayan, Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, San Juan River sa Quezon City, at Las Piñas River. Sa Parañaque City, personal na pinangunahan ng Pangulo ang paglilinis sa Balihatar Creek.
“Ang estimate ng ating mga siyentipiko ay sabi nila mababawasan ng up to 60 percent ang pagbaha kung ito ay maging maayos na,” wika ni Marcos.
Dagdag pa niya: “I am very optimistic that once we get the majority of this done, maramdaman na kaagad natin na pagdating ulit ng tag-ulan next year, malaki na ‘yung mababawasan sa flooding.”
Sasaklawin ng Oplan Kontra Baha ang malawakang paglilinis ng 142.4 kilometro ng mga ilog, sapa, at estero, gayundin ang pagtanggal ng bara sa 333.15 kilometro ng mga drainage system sa Metro Manila, na isasagawa mula Nobyembre 2025 hanggang Hulyo 2026.
Kasama sa operasyon ang Department of Public Works and Highways, Metro Manila Development Authority, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor. Ang kanilang tungkulin ay ang tamang pamamahala ng basura, dredging, at pagtanggal ng mga ilegal na istruktura na humaharang sa daloy ng tubig.
Hindi lamang Metro Manila ang saklaw ng kampanya. Ayon sa Pangulo, ipatutupad din ito sa Cebu, Bacolod, Roxas City, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Pangasinan, Cotabato, Davao, at Cagayan de Oro.
Bukod sa paglilinis ng daluyan ng tubig, tinukoy din ni Marcos ang problema sa ilang pumping stations.
“Ang isa pang nakita nating problema ay ang paglagay ng mga pumping station na mali. Marami sa mga pumping station natin mula ng itinayo ay hindi pa gumana kahit minsan,” aniya.
“Bakit? Dahil ‘yung pumping station mismo, sa paglagay nila, ‘yun pa ang nakaharang sa tubig. Imbes na magbigay ng solusyon, ito pa ang naging problema,” dagdag ng Pangulo.
Binanggit ni Marcos na hindi matatapos ang operasyon sa loob ng siyam na buwan.
“Even after that nine months ay patuloy lang, regular na ang paglinis, pag-desiltation, paglinis ng basura, lahat ito ay patuloy nating gagawin,” aniya.
Sa pamamagitan ng Oplan Kontra Baha, layon ng administrasyon na maglatag ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha sa mga lungsod at probinsya.
(Larawan: Presidential Communications Office)
