Diskurso PH
Translate the website into your language:

P5,000 at P10,000 cash assistance sa mga biktima ng bagyong Tino, paunang tulong palang ayon sa Palasyo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-12 00:32:57 P5,000 at P10,000 cash assistance sa mga biktima ng bagyong Tino, paunang tulong palang ayon sa Palasyo

NOBYEMBRE 12, 2025 Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na ang pamamahagi ng P5,000 at P10,000 cash assistance sa mga biktima ng bagyong Tino ay paunang tulong pa lamang.

Ayon kay Castro, hindi nararapat batikusin ang halaga ng tulong dahil sa nakaraang administrasyon, katulad din umano ang paunang tulong na ibinigay sa mga nasalanta ng kalamidad. “Hindi na po kailangang batikusin dahil noong nakaraang administrasyon, ganyan din po ang halaga na binigay na paunang tulong,” ani Castro sa press briefing ng Palasyo nitong Lunes, Nobyembre 10.

Dagdag pa niya, ang pamamahaging ito ay pansamantala at layong matulungan ang mga kababayan upang magkaroon ng pangunahing gastusin habang isinasagawa ang mas malawak na rehabilitasyon at tulong sa mga apektadong komunidad. “Ang pagbigay po na ‘to ay pansamantala pong binibigay sa atin pong mga kababayan para mayroon po silang panggastos,” paliwanag niya.

Inihayag rin ni Castro ang sinabi ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pamahalaan ay magpapatuloy sa pagtulong sa lahat ng nasalanta ng bagyo upang masiguro ang agarang pagbangon ng mga komunidad. (Larawan: Facebook)