Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAL ilulunsad ang ‘FurPAL’; maliliit na aso papayagang sumakay sa cabin simula Dec. 1

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-12 17:14:10 PAL ilulunsad ang ‘FurPAL’; maliliit na aso papayagang sumakay sa cabin simula Dec. 1

Maynila — Isang magandang balita para sa mga pet lovers: simula Disyembre 1, 2025, papayagan na ng Philippine Airlines (PAL) ang mga pasaherong isama ang kanilang maliliit na alagang aso sa loob ng eroplano sa mga biyahe patungong Boracay, Bohol, at Siargao sa ilalim ng bagong serbisyong “FurPAL.”

Ang FurPAL ang kauna-unahang in-cabin pet travel service sa bansa, na nagbibigay-daan sa mga “fur parents” na makasama ang kanilang mga alaga sa mismong cabin ng eroplano. Ayon sa PAL, ang serbisyong ito ay may base fare na ₱2,500 kada one-way flight at magsisimulang tumanggap ng mga reservation sa Nobyembre 12.

“As the first mover in pet air travel in the Philippines, we recognize the unbreakable bond between people and their beloved pets. With FurPAL, we are making it more convenient for them to take a vacation with their pets and create unforgettable memories together,” pahayag ni PAL Vice President for Marketing Alvin Miranda.

Sa ilalim ng programang ito, kailangang ilagay ang mga alagang aso sa isang secure carrier na maaaring ipuwesto sa ilalim ng upuan sa harap ng pasahero. Tiniyak ng PAL na isinasaalang-alang ang kaligtasan at kaginhawaan ng lahat ng pasahero, kabilang ang mga hayop.

Upang makapag-book ng FurPAL, kailangang piliin ng pasahero ang isang FurPAL-eligible flight patungong Boracay, Bohol, o Siargao, at i-click ang FurPAL option sa Travel Boost page ng PAL website. Kailangan ding isumite ang mga kinakailangang dokumento gaya ng:

  • FurPAL Declaration, Release and Waiver Form
  • Veterinary Health Certificate
  • Updated vaccination records ng alagang aso

Dagdag pa ni Miranda, “We are initially offering this service for small dogs, and can expand to other dog sizes and pet types depending on aviation security and safety regulations”.

Inaasahan ng PAL na mas mapapalapit pa sa kanilang mga pasahero ang bagong serbisyong ito, lalo na sa mga pamilyang hindi mapalagay na iniiwan ang kanilang mga alaga tuwing nagbabakasyon.

Larawan mula PAL