Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP: Ina timbog sa ilegal na adoption scheme; anak ibinenta sa halagang ₱25K

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-12 08:40:02 PNP: Ina timbog sa ilegal na adoption scheme; anak ibinenta sa halagang ₱25K

Marilao, Bulacan — Isang ina ang inaresto ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation matapos umanong tangkaing ibenta ang kanyang apat na buwang gulang na sanggol sa pamamagitan ng ilegal na online adoption.

Ayon sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), nahuli ang suspek noong Nobyembre 5 sa Marilao, Bulacan matapos mag-alok ng kanyang anak sa social media kapalit ng halagang ₱25,000. Nagsimula umano ang alok sa ₱20,000 bago ito itinaas.

“The suspect had been offering her baby online for illegal adoption, initially for P20,000, which later increased to P25,000,” ayon sa ulat ng PNP-WCPC.

Agad na nasagip ang sanggol at ngayon ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Samantala, nahaharap ang ina sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng RA No. 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.

Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Authority for Child Care (NACC) upang matukoy ang lawak ng insidente at matiyak ang proteksyon ng bata. Ayon sa ahensya, naghahanda na sila ng ebidensya at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa pagsasampa ng kaso.

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga child rights advocates sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng ilegal na pagbebenta ng bata sa internet. Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga online platform upang mapigilan ang ganitong uri ng pang-aabuso.

Nagpaalala ang PNP-WCPC sa publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng mga bata. “We will continue to pursue those who exploit children and ensure that justice is served,” giit ng ahensya.