Sen. Loren Legarda, ipinanukala ang mga ‘science-based initiatives’ laban sa baha at kalamidad
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-12 23:28:08
MANILA — Iprinisenta ni Senadora Loren Legarda ang serye ng mga “science-based initiatives” upang maprotektahan ang kalikasan at mga komunidad sa bansa mula sa epekto ng matitinding pagbaha at sakuna. Ito ay matapos lumabas sa datos na halos kalahati ng higit 4,000 flood control projects sa Pilipinas ang itinuturing na “problematic” at “poorly situated.”
Kabilang sa mga panukalang hakbang ni Legarda ang rehabilitasyon at restoration ng mga watershed, pagpapanumbalik ng wetlands at mangrove trees, at pagpapatupad ng mga “sponge cities” na may rain gardens, green roofs, at permeable pavements upang mas epektibong masipsip at mapamahalaan ang tubig-ulan.
Binigyang-diin din ng senadora ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas tulad ng Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003), Clean Water Act (RA 9275), at mga “no-build zones” sa ilalim ng National Building Code.
Ayon kay Legarda, panahon na upang magbago ang paraan ng pagtugon sa kalamidad.
“We cannot keep reacting to typhoons or floods. We must live with them wisely—with foresight, science, and the guidance of nature,” ani ng senadora.
(Larawan: Loren Legarda / Facebook)
