Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sierra Madre, iligtas! Erwin Tulfo, nanawagan ng agarang aksyon laban sa mapanirang aktibidad

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-12 19:56:48 Sierra Madre, iligtas! Erwin Tulfo, nanawagan ng agarang aksyon laban sa mapanirang aktibidad

NOBYEMBRE 12, 2025 — Muling naging sentro ng usapin sa Senado ang kapalaran ng Sierra Madre matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa Luzon. Sa kanyang talumpati, iginiit ni Senador Erwin Tulfo ang agarang pagpapatupad ng total ban laban sa mga aktibidad na sumisira sa kabundukan, kasabay ng panawagan na palakasin ang pagpapatupad ng batas pangkalikasan.

Binansagan ni Tulfo ang Sierra Madre bilang “ina” na paulit-ulit na nagtatanggol sa Luzon mula sa matitinding unos.

“Just last Saturday and Sunday, when Super Typhoon Uwan hit Luzon, we once again witnessed the resilience of the Sierra Madre. She was the one who stopped the storm, held back the fury of the wind, and saved millions of lives in Luzon,” aniya. 

(Noong nakaraang Sabado at Linggo, nang tumama ang Super Typhoon Uwan sa Luzon, muli nating nasaksihan ang tibay ng Sierra Madre. Siya ang pumigil sa bagyo, humarang sa galit ng hangin, at nagligtas ng milyun-milyong buhay sa Luzon.)

Dagdag pa niya: “She quietly fulfilled her duty as our savior once again – like a mother who hid her children from the deadly lash of the storm.” 

(Tahimik niyang ginampanan ang tungkulin bilang ating tagapagligtas – gaya ng isang ina na itinago ang kanyang mga anak mula sa mapanganib na hagupit ng bagyo.)

Binanggit ng senador na bagama’t umiiral ang Republic Act No. 9125 o Northern Sierra Madre Natural Park Act of 2001, nananatiling mahina ang implementasyon nito. Patuloy ang pagmimina, ilegal na pagtotroso, quarrying, at pagtatayo ng mga resort na nagbubukas ng sugat sa kabundukan.

“If the Sierra Madre is willing to sacrifice itself for our salvation, isn't it time for us to save it in return?” tanong ni Tulfo. 

(Kung handang magsakripisyo ang Sierra Madre para sa ating kaligtasan, hindi ba’t panahon na para iligtas natin siya?)

Nagbigay naman ng suporta si Senador Raffy Tulfo at binatikos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa umano’y pagbebenta ng Environmental Compliance Certificate at pagiging reaktibo sa halip na maagap.

“The problem with our environment is that damages are often irreversible. Kaya dapat prevention ang priority natin, hindi rehabilitation. Dahil years, even decades, ang kailangan to bring back any damage to our environment. And the cost is nowhere near any economic advantage that we can gain from some of the projects,” ani Raffy. 

(Ang problema sa ating kapaligiran ay ang pinsala ay madalas hindi na maibabalik. Kaya dapat prevention ang prioridad, hindi rehabilitation. Dahil taon o dekada ang kailangan para maibalik ang anumang pinsala. At ang gastos ay hindi matutumbasan ng anumang ekonomikong benepisyo mula sa ilang proyekto.)

Binanggit din niya ang kontrobersyal na Kaliwa Dam Project na matagal na niyang tinutulan dahil sa banta nito sa ekosistema ng Sierra Madre at sa mga katutubong komunidad. Ayon sa mga residente, maaaring lumubog ang hanggang 90% ng kanilang baryo kapag itinuloy ang proyekto.

“At the moment, may go signal na ulit sa Kaliwa Dam Project, dahil ba nabaling na ang atensyon ng mga tao? Are the concerns of the indigenous peoples addressed (Nasagot na ba ang mga alalahanin ng mga katutubo)?” tanong ni Raffy. 

Bukod sa magkapatid na Tulfo, sumuporta rin sina Senador JV Ejercito, Risa Hontiveros, Loren Legarda, at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panukalang proteksiyon. 

Nanawagan si Raffy Tulfo ng masusing pagrepaso sa Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act upang palakasin ang regulasyon at partisipasyon ng mga komunidad.

“There is a need to instill better regulatory systems. Community participation in the regulation must be strengthened,” giit niya. 

(Kailangan ng mas maayos na regulasyon. Dapat palakasin ang partisipasyon ng komunidad sa pagpapatupad.)



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)