Signal No. 1 itinaas sa Batanes habang Uwan muling sumulpot sa PAR
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-12 17:43:04
Maynila — Muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Uwan (international name: Fung-Wong) ngayong Miyerkules, Nobyembre 12, dahilan upang itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng hilagang Luzon, kabilang ang Batanes.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo sa layong 280–290 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes, at kumikilos ito pa-hilagang silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras. Taglay nito ang lakas ng hangin na 95 kph at pagbugso na umaabot sa 115 kph.
Mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1
- Batanes
- Babuyan Islands
- Northwestern Ilocos Norte (Burgos, Bangui, Pasuquin, Dumalneg, Pagudpud)
Nagbabala ang PAGASA ng “rains and gusty winds” sa mga nasabing lugar, habang ang trough o buntot ng bagyo ay inaasahang magdadala ng “scattered rains and thunderstorms” sa Cordillera Administrative Region at iba pang bahagi ng hilagang Luzon.
Ayon kay PAGASA weather specialist Loriedin Dela Cruz-Galicia, inaasahang magla-landfall ang Uwan sa southwestern coast ng Taiwan ngayong hapon o gabi. Pagkatapos nito, lalabas ito patungong Ryukyu Islands mula Nobyembre 13 hanggang Nobyembre 14, kung saan inaasahang hihina ito bilang isang remnant low.
Bagaman hindi direktang tatama sa kalupaan ng Pilipinas, pinapayuhan pa rin ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha, landslide, at malalakas na hangin. Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagyo at maglalabas ng mga update tuwing ika-5 ng umaga at ika-11 ng gabi.
Larawan mula DOST-PAGASA
