Bernardo ibinulgar umano’y ₱380M kickback kay Bong Revilla; ‘6na kahon ng pera’ dinala sa White House compound
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 10:52:12
MANILA — Nabulabog ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee matapos magbigay ng mabigat at detalyadong salaysay si dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo ukol sa umano’y kickback scheme at ang partikular na transaksyon niya noong 2024 kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa pagbasa ng kanyang Second Supplemental Affidavit, sinabi ni Bernardo na ang pagsasapinal ng dokumento ay matagal dahil kailangan niyang muling repasuhin ang mga lumang tala at makipagkumpirma sa ilang personalidad. Ayon sa kanya, “I am submitting this Second Supplemental Affidavit… to set forth my knowledge about the irregularities in government flood control and other infrastructure projects, as well as to obtain peace of mind and preserve the truth.”
Idiniin niyang ang mga kickback operation ay karaniwang walang ebidensya, na tinukoy niya sa pahayag na, “the kickback scheme… occurs practically without any paper trail.” Dagdag pa niya, mabagal ang pangangalap ng detalye dahil sa kanyang pagreretiro noong Agosto 2025.
Inilahad din ni Bernardo ang malapit umano nilang ugnayan ni Revilla, na nagsimula pa noong siya ay district engineer noong 2005 o 2006. Ayon sa kanya, ang senador ay ninong ng dalawa niyang anak, habang siya naman ay ninong sa isa sa mga anak ni Revilla. Sinabi rin niyang ilang beses niyang binisita ang dating senador sa PNP Custodial Center habang ito ay nakakulong.
Ayon kay Bernardo, “Sometime in the third quarter of 2024, Senator Ramon Bong-Revilla… asked me for a list of projects for funding, ostensibly to help him in his national campaign.” Nang tanungin umano siya tungkol sa porsiyento, sinabi niya, “I suggested either 20 or 25, to which Sen. Revilla said 25%.”
Si Bernardo umano ang nag-utos sa dalawang DPWH officials — sina Engineer Henry Alcantara at Engineer Gerard Upulensha — upang maghanda ng listahan ng proyekto. Umabot ito sa ₱1.5 bilyon na consolidated project list na ibinigay daw niya kay Revilla.
Sa sumunod na bahagi ng kanyang testimonya, inilarawan ni Bernardo ang umano’y paghahanda at pagturn-over ng pera. Ayon sa kanya, “The 25% commitment was already loaded in my vehicle,” at ang halagang ito ay binubuo umano ng anim na kahon na may tig-₱20 milyon at isang paper bag na may ₱5 milyon.
Sinabi ni Bernardo na tinawagan niya ang senador upang ipaalam na handa na ang turnover. Noong Disyembre 2024, nagtungo sila ng kanyang driver sa White House compound sa Aguinaldo Highway sa Bacoor, Cavite, ang tirahan ng pamilya Revilla.
Pagdating nila, hindi umano agad nasagot ang kanilang tawag kaya naghintay sila ng halos isang oras sa gasolinahan bago payagang makapasok. Ikinuwento ni Bernardo, “Upon alighting, I saw Sen. Revilla at the terrace,” at nag-usap sila nang mahigit 20 minuto habang ibinababa ng staff ang mga kahon.
Ayon sa salaysay niya, tinanong pa niya ang senador kung bakit hindi ito aktibo sa pangangampanya. Tugon daw ni Revilla, “Okay naman pare, maganda results ng survey. Relax muna.”
Idinagdag pa ni Bernardo na bago magsimula ang campaign period para sa national positions, nagpa-deliver pa umano si Revilla ng hiwalay na commitment na ₱250 milyon sa parehong tirahan.
Hindi pa nagbibigay ng pormal na tugon si dating Sen. Bong Revilla hinggil sa mabibigat na alegasyong ito.
Patuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y multi-bilyong pisong flood control corruption scheme na sinasabing kinasasangkutan ng ilang opisyal ng DPWH at ilang mambabatas.
