Curlee Discaya pinangalanan ang 6 na kongresista, 2 dating opisyal na sabit sa kickback ledger
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-14 19:23:42
NOBYEMBRE 14, 2025 — Sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa kontrobersyal na proyekto sa flood control, binunyag ng government contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya ang umano’y talaan ng kickback na naglalaman ng mga pangalan ng ilang kasalukuyan at dating mambabatas, pati na rin ng mga dating opisyal ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Biyernes, Nobyembre 14, pinangalanan ni Discaya ang mga nakalista sa kanyang ledger:
- Pasig City Rep. Roman Romulo
- Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo
- Caloocan 3rd District Rep. Dean Asistio
- Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas
- Quezon City 6th District Rep. Marvin Co-Pilar
- Uswag Ilonggo party-list Rep. Jojo Ang.
Kasama rin sa listahan sina:
- Dating undersecretary Terence Calatrava ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas
- Dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo
Ayon kay Discaya, ang ledger ay naglalaman din ng mga porsyento at petsa ng mga transaksiyon, kung saan umano’y nakatala ang mga kickback na mula 10 hanggang 25 porsyento. Ang dokumentong ito ang sinasabing ebidensiya ng suhulan kaugnay ng flood control projects.
Itinulak ni Senate President Vicente Sotto III ang contractor na isumite ang ledger sa komite.
“I remember that we asked for the ledger from Mr. and Mrs. Discaya. In fact, there is a subpoena duces tecum issued. So, did you submit it already? Can we have it?” tanong ni Sotto.
(Naalala ko na hiningi namin ang ledger mula kay Ginoo at Ginang Discaya. May subpoena duces tecum na nga. Naibigay niyo na ba? Maaari ba naming makuha?)
Ipinaliwanag ni Discaya na hindi niya agad naibigay ang dokumento dahil siya ay nakadetine sa Senado at walang pagkakataong hanapin ito. Dagdag pa niya, ang kanyang asawa ay walang kaalaman sa ledger dahil siya lamang ang direktang nakipagtransaksiyon sa mga opisyal.
Nagpahayag naman si Senador Erwin Tulfo ng pangangailangan ng matibay na ebidensiya.
“Nung una po kayong nandito, sinabi niyo may listahan kayo. Kaya nga po meron po tayong listahan ng mambabatas na inimbitahan po natin because nabanggit po ninyo. Eh kung wala naman tayong maipakita, paano na ho? Nagmumukha lang na naniwala lang kami,” giit niya.
Dagdag pa ni Tulfo: “We need documentation po na nakalista talaga, na tumanggap itong mga taong ito, nakatransact po ninyo. So yun po. And I believe and I hope ito po hindi basta-bastang papeles. Ito po ay dokumento.”
Sa huli, tiniyak ni Discaya na handa siyang ibunyag ang anumang makukuha niyang talaan, na ngayon ay itinuturing na sentro ng imbestigasyon sa umano’y malawakang anomalya sa flood control projects.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
