Discaya couple, pinayagang umalis sa Senado para hanapin ang ledger ng DPWH transactions
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 11:42:25
MANILA — Uminit ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee matapos mabigong maiprisinta ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang umano’y ledger na naglalaman ng mga transaksyon sa mga politikong pinangalanan nila sa kanilang sinumpaang salaysay kaugnay ng flood control corruption.
Pauli-ulit na iginiit ng mga senador na kritikal ang ledger para sa integridad ng imbestigasyon. Ayon kay Senate President Tito Sotto, “kaya natin hiningi yung ledger dahil ito ang magpapatunay. Kundi, mananatili itong he said, she said.” Idinagdag niya na may subpoena duces tecum na inilabas kaya obligasyon ng mag-asawa na dalhin ang dokumento.
Nagpaliwanag si Curlee Discaya na hindi niya matukoy ang lokasyon ng ledger dahil umano sa paglipat ng kanilang opisina. Aniya, “Hindi ko rin po matansya kung saang particular nailagay sa dami ng documentation.”
Hindi ito tinanggap ng komite.
Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na walang kinalaman kung alam ng misis ang transaksyon o hindi, basta’t maituro ng asawa kung saan nandoon ang dokumento. “Kung alam mo nasaan yung ledger, pakisabi sa kanya at kunin,” wika niya.
Nagbabala si Sen. Panfilo Lacson, “Sana kung ayaw ninyong makulong pati si Mrs. Discaya, ipalik dito yung ledger. Mukhang nagbibigay ka ng kung ano-anong palusot.”
Kasunod nito, inatasan ng komite ang sergeant-at-arms na samahan ang mag-asawa upang umuwi at hanapin ang ledger at iba pang dokumentong kinakailangan — at bumalik sa Senado sa loob ng araw para isumite ang mga ito. Ito ang parehong proseso na ginawa kay dating DPWH official Brice Hernandez sa nakaraang hearing.
Idinagdag ni Sen. Risa Hontiveros na kulang at tila “nilinis” ang naunang listahan ng proyekto na isinumite ng St. Gerard Construction. Aniya, “Ang sinumite lamang ay proyekto para sa Alpha and Omega. Hindi isinama ang mga sakop ng joint venture agreements. A sanitized list gives us nothing.” Hiniling niyang muling ipaloob sa utos ng komite ang pagsumite ng kumpletong listahan ng lahat ng proyekto mula 2016 hanggang 2022.
Pinayagan ang mag-asawang Discaya na pansamantalang lisanin ang hearing upang personal na hanapin ang ledger — ngunit obligado silang bumalik sa parehong araw dala ang dokumento at iba pang papeles na hinihingi ng Senado.
Patuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee habang hinihintay ang pagbabalik ng mag-asawa at ang mga dokumentong itinuturing na “critical evidence” sa lumalawak na imbestigasyon sa flood control corruption.
