Sa wakas! Zaldy Co ibinulgar ang umano’y utos ni Pangulong Marcos, Romualdez na magpasok ng ₱100-B sa Bicam
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-14 12:28:10
MANILA — Kumalat ngayong araw ang mabigat at kontrobersyal na pahayag ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, matapos niyang ilabas ang umano’y utos mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na magpasok ng P100 bilyong halaga ng proyekto sa Bicameral Conference Committee (Bicam).
Sa isang mahaba at malinaw na statement, sinabi ni Co, “ang nag-deliver papunta sa bahay nila Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez na mag-insert o magpasok ng 100 billion worth of projects sa BICOM. Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat. Ginawa ko lang ang utos sa akin.”
Ayon pa kay Co, ginagamit umano siya ngayon ng administrasyon para itago ang mas malawak pang isyu ng korupsiyon. “Ginagamit ako bilang panakipbutas sa kanilang kampanya laban sa korupsyon. Hindi na akong mananahimik, ilalabas ko ang lahat ng katotohanan. May resibo, may ebidensya, at may pangalan.”
‘Stay out of the country’
Inilahad ni Co na ilang buwan siyang tumahimik dahil umano sa direktang utos mula sa dating Speaker.
“Sinabihan ako, ‘Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President.’ Noon naniniwala pa ako sa kanila, kaya hindi ako bumalik,” sabi niya.
Dagdag pa niya, kalaunan ay napagtanto niyang ang ibig sabihin umano ng “alaga” ay ang gawing siya ang mukha ng korupsyon.
Pinagmulan daw ng P100-B insertion: ‘brown leather bag’
Inilarawan ni Co ang umano’y simula ng P100-bilyong insertion noong 2024, matapos siyang tawagan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
“Ang sabi niya, katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na magpasok ng 100 billion worth of projects sa BICAM,” wika ni Co.
Ayon kay Co, kinumpirma raw ito ni Usec. Adrian Bersamin. Makalipas ang ilang araw, naganap umano ang meeting sa Aguado Building malapit sa Malacañang.
Dito raw ibinigay ni Bersamin ang listahan. “Ang sagot niya, galing kay PBBM mismo at binigay niya ito mula sa brown leather bag,” sabi ni Co, na nagsabing ito rin daw ang misteryosong bag na iningatan ng Pangulo sa isang biyahe sa Singapore noong 2022.
Bakit P50B lang ang ipapasok?
Ipinahayag ni Co na kalaunan ay napagdesisyunan ng grupo na 50 bilyon muna ang ipasok sa programmed funds dahil hindi raw maaaring lumaki ang DPWH budget kaysa DepEd.
Ang natitirang P50B, ilalagay umano sa unprogrammed funds — bagay na hawak din ng Office of the President.
Ayon kay Co, sinabi raw sa kanya ni Pangandaman, “Ipasok ninyo yan dahil pinangako na sa akin ni Speaker Martin yan. At hindi na pwedeng baguhin.”
Muli niya raw itong kinumpirma kay Romualdez. “Ang sabi niya, wala tayong magagawa,” aniya.
Diretsong banat sa Pangulo
Sa dulo ng kanyang pahayag, pinuna ni Co ang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi umano nito kabisado ang budget.
“Kaya po nagtataka ako kung bakit sinasabi ni Pangulo na hindi niya makilala ang budget, samantalang lahat na binawas at dinagdag ay humihingi ng approval sa kanya si Usec Pangandaman,” pahayag ni Co.
Walang tugon ang Malacañang at mga opisyal
Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula sa Office of the President, DBM Secretary Pangandaman, Usec. Bersamin, at dating Speaker Romualdez hinggil sa mabibigat na alegasyong ibinato ni Co.
Ayon kay Co, “hindi na ako mananahimik… para sa bawat Pilipino.”
