'Ang mamatay ng dahil sayo?' 7 sa 10 Pinoy handang lumaban para sa bansa — OCTA
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-15 08:07:44
MANILA — Pito sa bawat sampung Pilipino ang nagpahayag ng kahandaang ipaglaban ang bansa sakaling magkaroon ng sigalot, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa mula Setyembre 25 hanggang 30, 2025.
Batay sa resulta, 70 porsyento ng mga respondent ay nagsabing handa silang lumaban para sa Pilipinas, habang 30 porsyento naman ang nagsabing hindi sila handa o hindi tiyak. Bagama’t bumaba ito ng walong puntos mula sa 78 porsyento noong Hunyo 2024, sinabi ng OCTA na nananatiling mataas ang antas ng patriotismo sa bansa.
Ayon sa OCTA, "This enduring sentiment reflects a deeply ingrained sense of patriotism and collective identity that cuts across socioeconomic, regional, cultural, and ethnic divides. Defending the nation continues to serve as a unifying moral anchor for many Filipinos—a shared belief that transcends differences in background and circumstance."
Pinakamataas ang antas ng kahandaang lumaban sa National Capital Region (NCR) at sa socioeconomic class ABC, kapwa nasa 79 porsyento. Sa mga rehiyon, nanguna ang Eastern Visayas sa 89 porsyento, sinundan ng Bicol Region sa 87 porsyento, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 84 porsyento. Pinakamababa naman ang Visayas sa 61 porsyento.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas at rehistradong botante. Layunin nitong sukatin ang damdaming makabayan ng mga Pilipino sa harap ng posibleng panlabas na banta.
