A$3M humanitarian aid ibinuhos ng Australia para sa Pilipinas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-15 08:07:45
MANILA — Nagpahayag ng suporta ang pamahalaan ng Australia sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalaan ng A$3 milyon (katumbas ng humigit-kumulang ₱115.9 milyon) bilang humanitarian aid para sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa, kabilang ang mga bagyong Tino at Uwan, at kamakailang lindol.
Ayon sa pahayag ng Australian Embassy sa Maynila, "As a reliable friend and strategic partner, Australia is well-positioned to provide in-country assistance to support the Philippine government-led response."
Dagdag pa ni Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown, "Australia always stands ready to support the Philippines," at binigyang-diin niya, "Australia is willing to work with the Philippine government where it is needed as they continue their response efforts across the country."
Ang tulong ay nakatuon sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pansamantalang tirahan, kalinisan at sanitasyon, serbisyong pangkalusugan, at pagkain. Ayon sa embahada, ang kanilang humanitarian partners ay nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at civil society organizations upang matiyak na makarating ang tulong sa mga pinakaapektadong komunidad.
Sa datos ng Office of Civil Defense, umabot sa 4.5 milyong katao mula sa 11,100 barangay sa buong bansa ang naapektuhan ng bagyong Uwan, na nagdulot ng 27 na nasawi.
Samantala, ang bagyong Tino ay nagdulot ng mas matinding pinsala sa katimugang bahagi ng bansa, na may naitalang 232 na nasawi.
Ang donasyong ito ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng Australia at Pilipinas sa panahon ng krisis, at nagpapakita ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng disaster response at humanitarian assistance.
