Diskurso PH
Translate the website into your language:

Monterrazas de Cebu kumontra: 'Imposibleng kami ang sanhi ng Cebu mega-flood!'

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-15 11:38:57 Monterrazas de Cebu kumontra: 'Imposibleng kami ang sanhi ng Cebu mega-flood!'

CEBU — Mariing itinanggi ng Monterrazas de Cebu ang mga paratang na ang kanilang proyekto ang nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino, at iginiit na walang lohikal o pisikal na koneksyon ang kanilang lokasyon sa mga hardest-hit areas.

Sa opisyal na pahayag ng Mont Property Group, sinabi nitong ang Monterrazas de Cebu ay nasa Barangay Guadalupe, ilang kilometro ang layo mula sa mga lugar na lubos na binaha gaya ng Liloan, Mandaue, at Talisay. Ayon sa kanila, magkakaiba ang drainage basins at natural waterways ng mga nasabing lugar kaya imposible umanong magdulot ng pagbaha ang kanilang development sa ibang lungsod.

Ipinunto ng kompanya na para lamang daw itong pagsasabing ang isang proyekto sa Tagaytay ang sanhi ng pagbaha sa Makati, dahil hindi magtatagpo ang watershed at flow paths ng dalawang lugar.

Naglabas din sila ng datos kaugnay ng pagsunod sa environmental regulations. Kinakailangan umano ng DENR na magkaroon ng detention pond capacity na 26,701 cubic meters para sa proyekto, ngunit nag-install ang Monterrazas ng mas malaking sistema na may 40,413 cubic meters capacity, o 51% higit sa hinihingi.

Kasabay nito, tinutulan nila ang anunsyo ng DENR na may naganap na umano’y pagputol ng higit 700 puno. Giit ng Monterrazas, hindi ito totoo at handa silang patunayan na ang anumang ebidensyang maglalabas ng ganitong alegasyon ay madali nilang mapapabulaanan.

Ayon sa kanila, batay sa kanilang Environmental Compliance Certificate at Development Permit, shrubs at undergrowth lamang ang inalis para sa earthworks, at walang indikasyon na ang lugar ay may kakayahang suportahan ang agricultural activity dahil karamihan ay non-woody vegetation at halos walang topsoil.

Aminado ang Monterrazas na may localized flooding sa kanilang paligid ngunit iginiit nilang mali ang mga kumakalat online na sila ang dahilan ng pagbaha sa Cebu. Patuloy umano silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad.

Nagpahayag rin sila ng pakikiramay sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Tino at sinabing handa silang makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga residente para mapalakas ang safety measures at resilience ng kanilang mga komunidad. 

Larawan mula Monterrazas de Cebu