PhilHealth: Kakulangan sa mental health professionals, kritikal na hamon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-15 08:07:46
MANILA — Nanawagan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mas maraming doktor at general practitioners na magpa-accredit upang mapalawak ang access ng mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, kasabay ng paglulunsad ng kanilang bagong outpatient mental health package.
Ayon kay PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Group Walter “Waway” Bacareza, "The challenge in the Philippines is that there are very few mental health professionals. Before, because of stigma, there was no demand, so there was no supply."
Binigyang-diin niya na mahalagang dumaan sa pagsasanay sa ilalim ng Mental Health Gap Action Program (MHGAP) ng Department of Health (DOH) ang mga doktor upang makakuha ng accreditation at makapagbigay ng serbisyo sa ilalim ng bagong benepisyo.
Sa ilalim ng bagong outpatient mental health package, maaaring makatanggap ang mga miyembro at non-members ng PhilHealth ng hanggang ₱9,000 para sa general mental health care at ₱16,000 para sa specialized mental health services.
Kabilang sa mga saklaw ng benepisyo ang initial assessments, follow-up consultations, diagnostic tests, at psychosocial support para sa mga edad 10 pataas.
Dagdag pa ni Bacareza, "PhilHealth has answered the clarion's call at nagkaroon na po tayo ng mental health package." Hinikayat niya ang publiko na samantalahin ang benepisyong ito, lalo na’t dumarami ang mga kaso ng depresyon, anxiety, at iba pang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan sa bansa.
Ayon sa datos ng DOH, mayroong humigit-kumulang 500 psychiatrists at 1,000 psychologists sa buong bansa — bilang na malayo sa kinakailangang proporsyon para sa populasyon ng mahigit 110 milyon.
Dahil dito, nananawagan ang PhilHealth sa mga medical professionals na tumugon sa pangangailangan at tumulong sa pagbibigay ng dekalidad na mental health care sa mga komunidad.
