Zaldy Co naglabas ng resibo! Mga larawan ng male-maletang perang dineliver kina BBM at Romualdez, nilabas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-15 11:23:50
MANILA — Pinaigting ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang kanyang mga alegasyon laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez, matapos niyang sabihing may mga “security personnel” daw niya na naghatid ng umano’y mga delivery sa mga tirahan ng dalawang opisyal sa North at South Forbes Park, at maging sa Malacañang.
Sa isang bagong video statement, sinabi ni Co na may hawak siyang record ng mga umano’y delivery: “Ang aking mga security ang nag-deliver papunta sa bahay ni Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdes… Yung mga deliveries ay may record ang aking mga tao.”
Ipinakita ni Co ang larawan ng male-maletang pera na umano’y dineliver kina Romualdez and Pangulong Marcos. Makikita sa larawan ang mga petsa at kung ilang maleta ang idineliver.
Ayon kay Co, matapos maaprubahan ang 2025 national budget, nagtungo umano siya sa DPWH para tanungin kung magkano ang “dapat ibigay” sa Office of the President.
“In total, P25B ang napunta kay Pangulong Bongbong Marcos,” aniya, na hindi nagbigay ng dokumento o pagkakakilanlan ng mga umano’y patunay bukod sa sinasabing mga litrato.
Pinasagot din niya si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na una nang nagsabing handang imbestigahan ang mga pangalan na babanggitin ni Co. “Kung seryoso siya, patunayan niya. Imbestigahan niya si Speaker Martin Romualdez… Imbestigahan din niya si President Bongbong Marcos,” pahayag ng dating kongresista.
Hinamon din ni Co ang Senado na siyasatin ang umano’y P100 bilyong “insertion” na sinasabi niyang galing mismo sa Pangulo. “Naniniwala ako na dahil sa Senado, lalabas ang katotohanan,” aniya.
Sa ngayon, nananatiling alegasyon ang lahat ng pahayag ni Co. Wala pang inilalabas na ebidensya sa publiko ang dating mambabatas maliban sa mga verbal na akusasyon. Paalala ng Malacañang sa nakaraang PCO briefing, “lahat ng sinasabi niya ay walang basihan at kailangang patunayan sa ilalim ng panunumpa.”
Patuloy na hinihintay ang tugon ng DOJ, Senado, at Office of the President hinggil sa bagong mga alegasyon ni Co.
