AFP, PNP naka-full alert sa gitna ng mga protesta kontra korapsyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-16 10:58:01
NOBYEMBRE 16, 2025 — Naka-alerto ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo habang libu-libong mamamayan ang nagsasagawa ng kilos-protesta laban sa korapsyon sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Sa panayam sa radyo, binigyang-diin ni AFP spokesperson Col. Francel Padilla ang pangangailangang manatiling handa sa anumang posibleng insidente.
“Kailangan alerto pa rin tayo. Hindi naman puwedeng tanggalin sa equation na maaaring may ibang agenda na puwedeng gamitin itong mga pagkakataong ito para isingit ang kanilang interes,” aniya.
Dagdag pa ni Padilla, nakahanda ang AFP na magbigay-suporta sa PNP upang matiyak ang kaayusan.
“Augmenting naman kami lagi. We support them in terms of implementing itong peace and order sa mga ganitong pagkakataon,” sabi niya.
Nagsimula na ang tatlong araw na pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Rizal Park, na tatagal hanggang Nobyembre 18. Ayon sa Manila Police District, umabot na sa 14,500 katao ang dumalo sa unang araw.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng protesta ang United People’s Initiative Fighting Corruption, na binubuo ng mga retiradong heneral, sa EDSA People Power Monument. May hiwalay namang aktibidad ang mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Martsa ng Kalayaan, habang ang grupong Takbo Laban sa Kurakot ay nagdaos ng fun run sa loob ng UP Diliman campus.
Mula pa Biyernes, isinailalim na sa nationwide full alert ang 228,000 pulis ng PNP. Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigit 16,600 pulis ang nakatalaga para sa mga pagtitipon ng INC, bukod pa sa 2,722 pulis na ipinuwesto sa Central Luzon at 1,139 na naka-standby.
“Police personnel are strategically positioned across Metro Manila, supported by units nationwide to keep all key areas secure,” pahayag ni Nartatez.
(Ang mga pulis ay nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, suportado ng mga yunit sa buong bansa upang matiyak ang seguridad sa mga pangunahing lugar.)
Inaasahan ng mga organizer na aabot sa 300,000 katao ang dadalo sa bawat venue, kaya’t ipinatupad ng PNP ang komprehensibong plano sa seguridad na sumasaklaw sa ground operations, trapiko, intel monitoring, emergency response, at maritime patrols.
Nagbabala naman si Interior Secretary Jonvic Remulla sa mga magulang na huwag hayaang makisali ang kanilang mga anak sa mga tinaguriang “gangsta” groups na maaaring maghasik ng kaguluhan. Ang pahayag ay kasunod ng mga ulat hinggil sa umano’y panibagong destabilization plot laban sa administrasyong Marcos.
Samantala, iginiit ni Padilla na nananatiling propesyonal at non-partisan ang AFP.
“Ang AFP has evolved to be a professional, disciplined, and non-partisan na institusyon,” aniya.
(Ang AFP ay naging isang propesyonal, disiplinado, at hindi kumikiling sa politika na institusyon.)
Dagdag pa niya, “Lagi nating inuuna ay ang ating Konstitusyon at taumbayan at hindi ang any political agenda. Hindi kami nagpapatinag dito sa gulo at ingay ng pulitika.”
(Larawan:YouTube)
